Ngayon na laganap ang fake news at mga maling impormasyon online, mahalagang malaman kung papaano makikilala ang totoong balita mula sa nagkukunwaring balita, at paano ito malalabanan.
Pero bago 'yan, alamin muna ang pagkakaiba ng misinformation at disinformation.
Ang misinformation ay mga maling impormasyon na hindi sadyang ipakalat. Gaya halimbawa ng mga satire, parodies, at memes na ipino-post sa social media na gusto lang magpasaya.
Habang ang disinformation, sadyang ipinapakalat kahit mali ang impormasyon sa layuning makapanlinlang. Kadalasan na malisyoso at mapanira ang isinasaad nito.
Para naman malaman kung fake news ang nakitang post online, narito ang ilang tips mula sa #PanataKontraFake.
Suriin ang source o pinagmulan ng balita. Gaya ng kung sino ang nag-post at kung verified account ba.
Tingnan kung kaduda-duda ba ang account handle or username.
Isama na rin sa pagsilip kung lehitimo ba o gawa-gawa lang ang page o ang profile ng nag-post.
Tingnan kung may pangalan ng writer o sumulat, at suriin kung totoo ba ang pangalan o kung totoo bang tao ang nasa likod ng pangalan.
Kung may pagdududa, maghanap ng mga mapagkakatiwalaang news website at ikumpara ang nakitang impormasyon.
Mahalaga na maging mapagmatyag din sa date o kung kailan nangyari ang sinasabing impormasyon.
May pagkakataon na matagal na pa lang nangyari ito pero palilitawin na bago sa feed.
Sa mga makikitang larawan o video post, suriin kung manipulado ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa quality. Tingnan kung may mga hindi pantay na linya, kulay at letra.
At kung may pagdududa, mag-verify din sa pamamagitan ng "tools" na nasa internet para malaman kung orihinal o hindi ang larawan.
Puwedeng gamitin ang geolocation para i-trace whearabouts ng image.
Sa videos, kapag sobrang pinutol-putol o hindi tuloy-tuloy, malaki ang posibilidad na
pinagtagpi-tagpi lang ang nakasaad para makagawa ng pekeng istorya.
Kung may pagdududa rin, magberipika sa ibang mapagkakatiwalaang organisasyon na mapagkukunan ng impormasyon.
Mahalaga rin na huwag itong basta-basta na isi-share, upang hindi magamit sa pagpapakalat ng fake news.-- FRJ, GMA Integrated News