Inilahad ni Kylie Padilla ang kaniyang pasasalamat sa kaniyang stepmother na si Mariel Rodriguez, dahil lagi itong nag-o-organisa para magkita-kita silang pamilya.

“Tita Mariel? I love her,” saad ni Kylie sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.

“We're very good. Kasi in our family, I think she's the one who really makes an effort to get everyone together,” pagpapatuloy niya.

Para kay Kylie, dapat na sulitin at pahalagahan ang mga oras na kasama ang mga mahal sa buhay.

“It could be taken lightly but for me kasi I know I'm very aware with morality, like I'm scared of dying. So I know every moment is sacred,” saad niya.

Ito raw ang ginagawa ni Mariel sa kanilang pamilya.

“And the fact that she makes that happen, nakakasama ko ‘yung tatay ko, mga tito ko, lola ko, I cherish it,” sabi ni Kylie.

Nang makunan noong 2015 si Mariel, ipinakita ni Kylie ang suporta niya sa kaniyang stepmom, at sa kaniyang ama na si Robin Padilla.

Ikinasal sina Mariel at Robin Padilla noong 2010.

Anak naman ni Robin sina Kylie, at mga kapatid nitong sina Queenie, Zhen-Zhen at Ali kay Liezl Sicangco --FRJ, GMA Integrated News