Mag-ingat sa paliligo sa ilog upang hindi matulad sa isang lalaki sa India na ilang araw nang dumudugo ang ilong dahil pala sa isang buhay na linta na nasa loob nito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing nagtungo sa isang ospital sa Prayagraj, India ang pasyenteng si Cecil Andre Gomes dahil ilang araw nang dumudugo ang kaniyang ilong at may kakaiba rin siyang nararamdaman sa loob nito.
Nang silipin na ng duktor ang loob ng kaniyang ilong, doon na nakita ang isang buhay na linta.
Ayon kay Dr. Subhash Chandra Verma, ang ginagawang pagsipsip ng dugo ng linta ang dahilan kaya walang tigil ang pagdurugo ng ilong ni Gomes.
Paniwala ni Gomes, posibleng nakapasok sa ilong niya ang linta nang maligo siya minsan sa isang ilog.
Sinabi ng duktor na mabuti na lang na hindi nakarating ang linta sa kritikal na bahagi ng ulo ni Gomes, gaya ng mata o utak, bagaman bihira naman daw iyong mangyari.
Maayos na natanggal ang buhay na linta at walang naiwang pinsala sa loob ng ilong ni Gomes.
Ayon sa eksperto, kayang mabuhay ng ilang linggo sa loob ng katawan ng tao ang mga linta.
Ang mga linta na galing sa Praobdellidae family na kumakain sa surfaces na may mucous membrane ang karaniwan umanong pumapasok sa katawan ng tao.--FRJ, GMA Integrated News.