Matapos magretiro sa pagiging sundalo si dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Rodolfo “Pong” Biazon, pinasok naman niya ang pulitika nang tumakbo at manalo senador noong 1992. Pero kahit nasa pulitika, hindi umano naging politiko ang retiradong heneral.

ALAALA Part 1: Sen. Rene Cayetano at Sen. Pong Biazon sa alaala ng kani-kanilang mga anak

ALAALA Part 2: Dating Sen. Rene Cayetano, inspirasyon sa kaniyang mga anak

ALAALA Part 3: Rodolfo ‘Pong’ Biazon, sundalo, mambabatas, ama

Bagaman hindi sinundan ni Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino "Ruffy" Biazon ang yapak ng ama sa pagiging sundalo, naimpluwensiyan naman siya na pasukin din ang pulitika matapos niyang tulungan ang kaniyang ama sa kampanya at pagpapatakbo ng opisina.

“Kasi ako noon, noong bata, sabi ko gusto kong mag-doktor para makatulong sa ibang tao. Nu’ng pumasok siya sa pulitika, since ako lang ‘yung pinaka-available, ako ‘yung tumulong sa kaniya sa campaign, then he asked me to help out-organize his office as his chief of staff,” pag-alala ni Biazon.

Sa paglipas ng panahon, nahikayat na rin ang nakababatang Biazon na pasukin ang pulitika.

“Eventually, nakita ko, fulfilling din ‘yung trabaho, serving people through a political office. So, na-hook na rin ako, among other things. Going around the country… meeting other officials, and ‘yung impact na nagagawa ng trabaho ng isang senador, parang du’n ako na-inspire na, ‘sige.’ Itinuloy-tuloy ko na rin,” kuwento niya.

Nasa pulitika, pero hindi politiko

Isa sa mahahalagang aral na natutunan ni Biazon sa ama ang paninindigan para sa prinsipyo.

“And one thing na proud ako sa kaniya is that while he entered the world of politics, he did not become a politician,” saad ng alkalde tungkol sa ama.

“You draw the line where you stand and there are no gray areas. Sabi niya na sa pagiging sundalo, black is black, white is white. And he really hated the world of politics na may mga gray area. Pero nakita rin naman niya na yung paraan niya maglingkod, kaya nandun siya,” ayon sa alkalde.

Tinutukso din umano siya ng kaniyang ama noong panahon na pareho na silang nasa mundo ng pulitika.

“Sabi niya nga, between him and me, ako ‘yung more of the politician. Nakapag-adjust sa world na mayroong gray area,” natatawang sabi ni Biazon.

Inalala rin ni Biazon ang pagiging prangka ng kaniyang ama pagdating ng paghingi ng suporta sa ilang lokal na opisyal noong panahon ng kampanya pero hindi siya mangangako ng ano mang kapalit. Basta nakahanda siyang tumulong sa abot lang ng kaniyang makakaya.

Kaya naman bilang chief of staff noon ng kaniyang ama, si mayor Biazon ang nanunuyo para hindi sumama ang loob ng mga lokal na opisyal na kaniyang nilalapitan.

May pagkakataon din sa panahon ng kampanya noon nang ipakita ni Sen. Pong ang kaniyang pagiging prangka nang tawagin nito ang atensyon ng mga tao na nagkakagulo dahil sa kasama nilang artista.

“Magsasalita siya, maingay ang crowd. Then he shouted to the top of his voice na, ‘Kung ayaw niyong makinig, magsiuwi na kayo!,’” tandang-tanda pa ni nakababatang Biazon.

Pero sa halip na magalit ang mga tao, tumahimik sila, nagpalakpakan at nakinig kay Pong. Indikasyon umano na tanggap ng mga tao ang pagiging totoo ng kaniyang ama.

May Prinsipyo

Bukod dito, hinahangaan din ni mayor Biazon ang ama sa pagtindig nito laban sa sariling partido kung kontra ito sa kaniyang mga prinsipyo.

“Ito ang tindig ng partido, but then paniniwala niya hindi ‘yun ang dapat. He went against the party stand. And that's where I drew my inspiration as well,” saad ni Biazon.

 

 

Marami ring pagkakataon si Biazon na hindi niya noon naiintindihan ang pamamaraan o takbo ng pag-iisip ng kaniyang ama. Pero sa pagdaan ng panahon, nauunawaan niya.

Nang kongresista na noon na si mayor Biazon, naghain ng divorce bill ang kaniyang ama na si Pong, na senador naman noon.

Nanindigan noon ang nakababatang Biazon na dapat protektahan ang pagiging sagrado ng kasal, samantalang naniniwala naman ang kaniyang ama na ang bill ang “lunas” para sa mga mag-asawang hindi na maayos ang relasyon.

Dahil dito, naghain si Biazon ng counter bill sa divorce bill ng ama. Humantong ito sa debate ng mag-ama.

“But you know, eventually, as years went on, as a legislator, na-realize ko rin ‘yung wisdom and point nu’ng sinasabi niya,” sabi ni mayor Biazon.

Noong kongresista naman si Pong, kabilang ito sa mga tumutol sa impeachment ng dating Chief Justice na si Renato Corona noong 2011.

“So initially, naisip ko, ‘Bakit?’ Then later on he explained it to me na it is a legal matter. It cannot just be made to decide,” sabi ni Biazon. “But then, I later on realized, tama rin naman siya. Lagi ginawa niya ‘yun. He made his own stand.”

Kung nabubuhay ang kaniyang ama ngayon, inilahad ni mayor Biazon na kokonsultahin niya ito hinggil sa usapin ng West Philippine Sea.

“He lived his life for that,” saad ni Biazon.

“Even before it became a fashion to be opinionated about the West Philippine Sea. Kasi nu’ng sundalo pa lang siya, na-assigned din siya doon. Alam niya ‘yung value ng area na ‘yun. And then later on, as a senator, ‘yung national security implication of how the Philippines makes its stand on the West Philippine Sea,” paliwanag ng alkalde.

Isa sa mga proud moment ni mayor Biazon ay ang panahong na kongresista siya, at senador ang kaniyang ama na si Pong, at magdedebate sila sa mga bicameral conference committee kung saan tinatalakay ang mga panukalang batas ng Kamara de Representantes at Senado, na may pagkakaiba sa probisyon na kailangang ayusin.

Debate ng mag-ama

Pag-alala ni Biazon, ilan sa mga batas na pinagdebatihan nila ni Pong ay probisyon noon sa Philippine Coast Guard law.

Sa panig nina Biazon sa Kamara, nirekomenda nilang maging isang Admiral na may four-star rank ang isang Coast Guard Commandant sa panahon ng giyera, na katumbas na rin ng ranggo ng Chief of Staff ng AFP. Si Pong naman, na siyang pangunahing may-akda ng bersyon sa Senado, iminungkahing magiging Vice Admiral na may three-star rank lamang ito.

Para kay Pong, nakagisnan niya na sa panahon ng giyera, ang Philippine Coast Guard ay isinasailalim sa Armed Forces of the Philippines, kaya hindi maaaring karanggo ng Coast Guard Commandant ang AFP Chief of Staff.

 

 

Ngunit giit ng kampo nina Biazon, iminumungkahi rin ng bill na ilipat ang pamamahala ng Philippine Coast Guard mula sa Department of National Defense o AFP, papunta sa Department of Transportation, maliban kung panahon ng giyera na isasailalim ito sa DND.

Sa huli, namayani ang posisyon ng mga kongresista ni Biazon laban sa bersiyon ng kaniyang ama.

“Although ‘yung debate namin na ‘yun, hindi siya nanalo sa aming dalawa, I think he would have been proud of me,” saad ni Biazon.

Hindi rin malilimutan ni Biazon noong italaga siya bilang Commissioner ng Bureau of Customs noong 2011, kung saan mayroon siyang four-star rank dahil nangangahulugan itong hepe siya ng Customs Police.

“So one time noong umuwi ako, dala ko ‘yung portrait ng naka-four-star uniform ako. Sabi ko sa kaniya, ‘O Papa, four-star na tayo pareho.’ Sabi niya sa akin, patawa-tawa, ‘Alam mo, yung four-star rank mo, in-appoint ka lang," ani mayor Biazon.

"‘Yung four-star ko, that took me 30 years of hard work,’” natatawang kuwento ni Biazon tungkol sa sinabi sa kaniya ng ama. “Pero siyempre ‘yung mother ko, proud. Sabi niya, dalawa ang nagawa niyang four-star."

Mga ikinalungkot ni Pong

Itinalaga ni dating Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III ang nakababatang Biazon bilang Customs Commissioner noong 2011.

Nang maging BOC chief, sinabi ni Biazon na may pag-aalinlangan ang kaniyang ama tungkol sa kaniyang posisyon.

“One of those who I consulted was si Tatang. So, siya very apprehensive. Sabi niya sa akin, ‘Alam mo, baka masira ka lang diyan.’ So, parang nag-hesitate din ako,” kuwento niya.

Iminungkahi ni Biazon na ilagay siya ni PNoy sa Department of Tourism, ngunit may ibang tao nang naisip ang dating pangulo para rito.

“Sabi niya (Pong), ‘It's really up to you kung comfortable ka sa decision.’ But, sabi niya, ‘yun nga ang nasa isip niya, ‘Masisira ka lang diyan.’ Sabi ko naman, ‘Well, I'll just take it on as a challenge.’”

“So, I accepted the position. And it was very, very difficult. Kasi, very difficult ‘yung position,” saad ni Biazon.

Sa huling bahagi ng akdang ito, ilalahad ni mayor Biazon ang mga pangyayari sa nalalabing mga araw ng kaniyang amang si Pong na dapat sanang masayang reunion ng kanilang pamilya. Abangan.--FRJ, GMA Integrated News