Isa sa mga hindi malilimutang aral na natutunan ni Senador Alan Peter Cayetano sa kaniyang namayapang ama na si dating Senador Rene "Compañero" Cayetano ang maging pantay-pantay ang pagtingin sa lahat ng tao--may posisyon man o wala. Nangyari ito nang minsang mag-imbita siya at magpakain, at may ibang pagkain siyang ipinahanda para sa "VIP."
BASAHIN: Alaala, a Father's Day Special (Part 1)
Nang panahon iyon, sinabi ni Cayetano na nagpahanda siya ng karaniwang inihahandang pagkain para sa mga "karaniwang" bisita. Ngunit para sa mayor at mga kasamahan nito, nagpadagdag siya ng pagkain at espesyal na dessert.
“Galit na galit siya," pag-alaala ni Alan sa reaksyon ng kaniyang amang si Rene nang malaman na iba ang ipinahanda niya sa mayor.
"‘You don't do that. Kapag nag-imbita ka sa bahay, pare-pareho silang VIP. Either walang VIP o pare-pareho silang VIP. So, either 'yan ang pinakain mo sa kanilang lahat or kay Mayor, pinakain mo lang ‘yung adobo at ‘yung saging at ‘yung kanin,” turo umano sa kaniya ng kaniyang ama.
“And I grew up admiring that kasi nga nangyari, napaka-fair, ‘di ba? Kaya ‘yung sense niya of justice, ‘pag may nakita siyang naaapi o naaabuso, galit na galit talaga,” dagdag niya.
Hinahangaan din ni Cayetano ang paninindigan o pagiging “well-grounded” ng amang Cayetano sa prinsipyo nito sa buhay, at ang pagkakaroon ng matatag o “sound” na paniniwala.
Dahil dito, natuto ang magkakapatid na Cayetano na harapin ang kanilang mga takot at hamon sa buhay.
“Kapag sinabi niyang ‘Jump!’ he seemed always so confident. Kaya kahit anong gawin namin, nandoon sa likod ng mind namin na ‘O, kung ano man mangyari, nandiyan si dad. May anchor,” paliwanag ni Alan.
Inspirasyon
Maituturing ni Cayetano ang amang si Rene, na anak ng isang public school teacher at isang mekaniko, bilang kaniyang inspirasyon para pumasok din siya sa serbisyo publiko.
“From pagkabata kay dad, it was more of humble, no abuse leadership,” saad niya. “Kaya sa akin, nakita ko 'yung journey na gusto ng dad ko, parati kang nag-umpisa sa ilalim. Ayaw niya ‘yung may express lane ka na doon ka agad,” anang senador.
Bukod dito, nakita rin ni Cayetano ang pagiging huwarang halimbawa sa kaniyang ama, na umiwas sa mga bisyo gaya ng sigarilyo, droga at alak.
“Napakadali kasing sumunod pagka iyong leadership by example eh,” anang senador.
Sa pagtagal niya sa pagsisilbi sa bayan, mas tumibay na umano ang relasyon ni Cayetano sa Panginoon at nagkaroon siya ng mas malalim na pag-unawa tungkol sa pagseserbisyo sa publiko.
“It's really also later on when I got deeper sa relationship ko sa Panginoon na ‘yung word na, ‘to serve,’ sa Bible, ang word nu’n is to minister eh. You're there to minister to others. Kaya nga, meron kang ministry eh. Ministry of education. You are a minister to them sa education. ‘Pag ikaw ay head nu’ng school, you administer education to them,” paliwanag niya.
“‘Yung earthly father ko and our heavenly father totally changed my concept of public service,” patuloy niya.
Don’t quit
Sa pagbabalik-tanaw ng magkapatid na Alan at Pia sa ibinigay nilang tribute sa kanilang ama noong 2022 na, “Compañero: Remembering Senator Rene Cayetano,” na naging host si Tito Boy Abunda, inalala ng senadora ang aral na natutunan ng kanilang ama na si Rene sa ama nito [kanilang lolo] na, “I don't care if my son fails, but I don't want a quitter.”
Habang lumalaki silang magkakapatid, nakita na ni Alan na hindi basta sumusuko ang kanilang ama na si Rene, gaya sa sports. “Si dad ‘yung tipong last five minutes, last three minutes, lamang ‘yung kalaban nila ng 20 points, ayaw pang sumuko.”
Naalala rin ni Alan ang panahon na pinayuhan siya ng ama na ‘huwag kang magku-quit, habang nag-aaral noon sa high school.
Nang nasa waitlist naman si Cayetano sa resulta ng bar exams sa U.P. nang hikayatin siya ng ama na habaan ang pasensiya sa paghihintay.
“‘Hintayin mo, hintayin mo muna. Tingin ko makakapasok ka pa diyan,’” pag-alala ng senador sa sinabi sa kaniya ng ama. “‘Yung essence na huwag kang umayaw, kahit hindi ko pa narinig 'yung story, nandu’n pa talaga sa kaniya ‘yun.”
Ngunit hindi rin malilimutan ni Cayetano ang sandali nang sabihan siya ng kaniyang ama na, “It’s a disaster!” nang hindi siya pumasa sa law exam sa U.P.
“Nakitawag ako, pagsabi ko, ‘Dad, hindi ako pumasa ng U.P..’ Ang sagot niya sa akin, ‘It's a disaster!’ Tapos binagsakan ako ng telepono. Eh usually kinakausap ako noon eh,” kuwento ng senador.
“Tapos pag-uwi, ikinuwento lang niya na, ‘I want the best for you, I want the best legal education.’”
“So, siyempre, ako naman, bukod sa I really believed in it, ano naman choice ko? Sabi ko, ‘Dad, hindi lang naman UP,’” paliwanag niya sa ama. “So, sabi niya, ‘Kung hindi lang UP, sa ilan ka pa nag-exam?’ Eh, actually, dalawa lang in-exam ko noon, Ateneo, at UP.”
Sa kabila ng kagustuhan ng kaniyang ama na sa UP siya mag-aral ng abogasya, nag-aral si Cayetano sa Ateneo de Manila University. Noong 1997, natapos niya ang kaniyang Juris Doctor degree sa unibersidad.
“So, sa totoo lang, if ‘yung pagkasabi sa akin ng dad ko na it's a disaster, at saka pagbagsak ng phone, double-edge. Kasi on one hand, gusto ko siyang sundin na don't quit. On the other hand, parang, eh, ‘yun lang ang standard mo, ‘yun lang ang pinakamaganda,” pagbahagi ng senador.
“So, hindi niya parating ginagamit na "do not quit." Pero nakatago doon sa loob ng sasabihin niya sa 'yo,” paliwanag ni Alan.
Kung buhay si Compañero ngayon
Isa sa mga kaso na hinawakan ni Rene na paborito ng nakababatang Cayetano ang kasong libelo na isinampa ng dating pangulong Cory Aquino sa journalist na si Luis Beltran.
Pagdating naman sa mga batas na tinutukan ng ama, ilan sa pinakanagustuhan ni Cayetano ang isinagawang hearing ni Rene sa ROTC at ang pagtataas ng suweldo ng mga mahistrado.
“It was really more ‘yung, during their time kasi, hindi puwedeng parang nakita mo lang isang problema, solusyonan mo na,” ani Cayetano. “Sa generation nila, na quality and speed have to go together. Hindi pwede ‘yung, kasi eto problema, o eto solusyon. Tapos ‘yung solusyon mo pala, magbibigay ng mas malaking problema later on.”
Kung nabubuhay pa si Compañero ngayon, tiyak na magsasalita ito laban sa laganap na mga scam, ayon kay Cayetano.
“Ang tingin ko kasi si tatay noon, siya ‘yung tipong hindi nakakatulog kapag may naabuso. Tapos ayaw niya ng panandaliang solusyon, ‘yung parang isa lang, he wants to go to the root of the problem and solve the problem.”
Tingin ni Cayetano, hindi katanggap-tanggap sa ama na ang mga mahihirap o working class ang naaabuso dahil sa mga scam ngayon.
“Tingin ko ‘yung mga scam ngayon, whether ‘yan ay tech scam o ‘yung mga deepfake o ‘yung mga kung ano-anong mga scam ‘yan, tingin ko, hindi talaga niya tatantanan. Hindi niya talaga titigilan. And, hahanap talaga siya ng solusyon. And, I'd love to do that with him,” anang senador.
Bukod dito, naniniwala si Cayetano na hindi rin katanggap-tanggap sa kaniyang ama ang mga kompromisong nangyayari pagdating sa mga pang-aabuso at kawalan ng katarungan sa panahon ngayon.
“I think ‘yung amount of compromise na nangyayari sa mundo ngayon, I think it would have been unacceptable not only to him, but to leaders of his generation,” anang senador.
Paano gustong makilala ang ama?
Pumanaw noong Hunyo 25, 2003 dahil sa abdominal at liver cancer, maraming kabataan ngayon, kabilang ang mga Gen Z ang hindi na marahil kilala si Compañero.
Paano kaya gustong makilala ni Cayetano ng mga kabataan ngayon ang kaniyang ama?
“Isipin niyo ‘yung pinaka-strict niyo na teacher na sobrang dami ninyong natutunan, na medyo pati ‘yung character mo nahubog, na iniiwas-iwasan mo siya na teacher noong high school o college ka. Pero nu’ng graduate ka, kinahanap-hanap mo at gusto mong pasalamatan dahil part of who you are and part of why alam mo kung ano ang tama at mali ay dahil sa teacher na ‘yun. Yun po si Rene ‘Compañero’ Cayetano,” pahayag ni Alan.
Higit sa pagiging istriktong ngunit mapagmahal na ama at isang mahusay na mambabatas, isinabuhay umano ng kaniyang ama ang pagpapahalaga ng kalidad ng relasyon sa Diyos at sa mga mahal sa buhay.
“When he made God most important in his life, when he started, you know, praying kahit one minute, two minutes, and then thinking about God, nagbago daw talaga ‘yung lahat sa kaniya,” kuwento ni Cayetano.
Nang mas malalim pang nakilala ng kaniyang ama ang Panginoon, inalala ni Cayetano na madalas nitong ipinapangaral sa mga kaibigan.
“‘Pare, huwag panay trabaho. Pare, walang nawawala sa mundo na ito na sinasabi na, ‘Sana dinagdagan ko pa oras sa office.’ Pare, walang nagbibilang muna ng pera nila bago mamatay. Ang tinitingnan muna nila, maayos ba buhay nila, maayos ba relationship nila sa Diyos? Pamilya ba nila, napabayaan nila?’” saad noon ni Rene, ayon kay Cayetano.
Mula sa kaniyang pagiging perpeksyunista, natutunan ni Rene ang magpasalamat sa mga nagawang pagkakamali.
“Kung may buong whiteboard ka na maputi, at may isang dot, makikita't makikita niya ‘yung dot, ‘O bakit ito hindi mo binura?’ But noong nakilala niya ‘yung Diyos, hindi na siya naging technical, na-appreciate niya na 'pag nakita niya 'yung dot, siya na 'yung parang, ‘Lord, thank you na naimbento ‘yung whiteboard. Lord, thank you na maraming matututo dito sa whiteboard. Lord, ang pamilya ko ba matututo sa whiteboard na ‘to?,’” paliwanag niya.
“I'm so happy kasi when we talk about Father's Day, we really remember how God was a father to him, even in his hardest moments, and how God really gave us a father na we can look up to. Sa lahat po, happy, happy Father's Day,” mensahe ni Cayetano sa lahat ng ama.
Sa susunod na yugto ng seryeng ito, ibabahagi naman ni Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino "Ruffy" Biazon, ang mga masasaya at malungkot na alaala sa kaniyang ama na si dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, at dating senador Rodolfo “Pong” Biazon, na pumanaw noon lang nakaraang taon, sa mismo Araw ng Kalayaan, at kalapit ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ama. -- FRJ, GMA Integrated News