Kabilang sina dating senador Rene 'Compañero' Cayetano at Rodolfo "Pong" Biazon, sa mga iginagalang at hinahangaang mambabatas noong sila'y nabubuhay. Ngunit higit sa pagiging lingkod-bayan, nakaukit sila sa alaala ng kani-kanilang anak bilang ulirang ama.

Sa pagdiriwang ng Father’s Day, balikan ang buhay at kilalanin pa lalo sina Sen. Rene at Sen. Pong, bilang mga ama mula sa alaala ng kanilang mga anak na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Muntinlupa Mayor Rozanno Ruffy Biazon. Ano ang mga hindi nila malilimutan sa kani-kanilang padre de pamilya?

ALAALA Part 2: Dating Sen. Rene Cayetano, inspirasyon sa kaniyang mga anak

ALAALA Part 3: Rodolfo ‘Pong’ Biazon, sundalo, mambabatas, ama

ALAALA Part 4: Rodolfo ‘Pong’ Biazon, nasa pulitika pero hindi naging politiko

"Dad"

Mahigit dalawang dekada na ang nakararaan mula nang pumanaw ang nakatatandang Cayetano, na kilala ng mga kaibigan at katrabaho bilang si Rene o “RLC.”

Sa eksklusibong panayam ng GMA News Online, sinabi ni Sen. Alan na simpleng "dad," ang tawag nila ng kaniyang mga kapatid --na sina Sen. Pia, Ren-Ren, at Lino-- sa kanilang ama.

 

 

“Lahat kami ang tawag sa kaniya talaga, ‘Dad.’ When we're not talking to him directly, sa law office kasi niya at friends niya, kung hindi Rene, RLC… Even ‘yung secretary niya, ‘yung security niya, ‘yung buddy-buddies niya sa gym, either Rene or RLC," saad ni Cayetano, o Alan.

Kuwento ng senador, noong assemblyman pa lang ang kaniyang ama, nakahiligan noon ni Rene ang mag-gym, calisthenics, basketball at golf, kasama ang mga kaibigan. Kaya naman makikita rin ang magandang pangangatawan ng namayapang senador, na nagkaroon din ng programa sa radyo na "Compañero y Compañera."

Matapos maghapunan, makikipagpulong pa si Rene sa kaniyang mga kliyente o kaibigan, bago makakauwi ng 9:30 o 10 p.m. Magpapahinga o “unwind” siya sa pamamagitan ng panonood ng balita sa gabi, kuwento ni Cayetano.
 
Hindi rin umano nawawala sa kaniyang ama ang pagbabasa ng Biblia. Nakagawian din daw ni Rene ang maghanap ng dessert bago matulog, gaya ng buko, egg tart o banana cake. Sa hapon, hinahanap palagi ng kaniyang ama ang meryenda na soft drinks at sandwich.

Pag-alala ni Cayetano, ilan sa bonding time nilang pamilya ang pamamasyal tuwing Linggo, manood ng sine, o kaya naman ay bumiyahe sa Pilipinas o labas ng bansa.  

Sa pagreregalo sa kanilang magkakapatid, hilig umano ng kanilang ama ang “pairing” o paghahanap ng pare-parehong t-shirt o rubber shoes para sa kanilang apat.

At kahit palaging abala sa trabaho, sinabi ni Cayetano palaging kinukumusta ng kanilang ama ang kanilang pag-aaral. Kung minsan, magbabahagi naman ito sa kanila ng mahabang kuwento.

Bilang haligi ng tahanan, ipinaparamdam umano ni Rene na mahalaga ang pamilya.

“Yung kahit anong busy niya, kahit sinong ka-meeting niya, kahit saan siya pupunta, pagka-anak, puwede siyang i-bother or ‘Maghintay ka lang sa labas’ then you can see him. ‘Pag-time niyo, time niyo talaga," sabi ni Cayetano.

Sino ang paboritong anak?
 
Ayon kay Cayetano, hindi ipinahalata ng kaniyang ama kung sino ang paborito nito sa kanilang magkakapatid. Sa halip, ipinararamdam nito sa kanila kung bakit paborito niya ang bawat isa sa kanila.

“So favorite niya si ate dahil kaisa-isang babae. Pero dahil nag-excel din siya sa lahat, nag-excel siya sa school, nag-excel siya sa sports. Tapos, parang favorite niya ako dahil panganay na lalaki. Parati niyang sinasabi, ‘Ikaw ang panganay na lalaki.’  Tapos, ako ‘yung nahilig sa public service,” ayon kay Alan.

 

 

“Pero noong natutong mag-golf si Ren Ren, bawat lakad na lang gusto niya kasama si Ren Ren,” nangingiting pagpapatuloy ni Cayetano.

Pagdating naman sa bunso nilang si Lino, mabilis na nag-aabot si Rene ng pera para sa mga gastusin nito. Hindi raw katulad sa mga nakatatandang kapatid na may katakot-takot munang sermon.

“So, we always felt that we were the favorite. Pero, alam namin na we were not the only favorite,” ani Cayetano.

Sabi ng senador, marami siyang fondest memories sa kaniyang ama, "especially when he really developed a relationship with God.”

“It's not as much as a one memory or one moment, but it's the totality of, you know, him being there. Parati niyang dinidikdik ‘yung importance ng family. He never made us feel less important,” patuloy niya.

Istrikto pero loving na ama

Inilarawan ni Cayetano ang kaniyang ama na si Rene na istrikto, ngunit mapagmahal at may paliwanag sa pagdidisiplina sa kanilang mga anak.

“Napaka-strict niya, pero napaka-loving. So, if you ask me to describe ‘yung fondest memories, it's really having a strict but very loving father,” anang senador, na sinabing isa ito sa mga hinahangaan niya sa ama.

“‘Yung discipline kasi niya wasn't just discipline for the sake of discipline. Yung sense of justice niya. At saka ‘yung prinsipyo. That's one thing I admire most sa kaniya. So ‘pag nagagalit siya sa iyo, he will always take time to explain why. Whether right there and there or magagalit muna, sisigawan ka muna or papaluin ka muna, then he will take time to explain why,” pagbahagi ni Alan.

"For me, siya ‘yung talagang epitome ng kung anong itanim mo, ‘yan ang aanihin mo,” pagpapatuloy ni Cayetano.

Kuwento niya, lumaki si Rene na walang mga kasambahay at kumukuha noon ng part-time job, kaya naman tiniyak din ng ama na ituturo nito sa kanila ang magbanat ng buto.

“He made it fun. Kukuha siya ‘yung gunting na malalaki, ‘yung pang-damo. Tapos, sasabihin niya, ‘O, dito tayo sa garden. O, linis muna tayo lahat… Ayan, mabuting pinapawisan kayo. Hindi ‘yung panay aircon, panay TV kayo,’” pag-alala ni Cayetano na sinasabi sa kanila noon ng ama.

“Parating may fun moment, pero parating may teaching moment siya. At kung hindi man niya sinasadya magturo, the reality is ‘yung pinanghugutan niya is a certain principle that he really believed in life,” saad ni Cayetano.


Kung si Rene ang “sobrang disciplinarian,” ang kanila namang inang si Sandra ang “loving” at maluwag sa kanila.

Sa susunod na bahagi ng akdang ito, ikinuwento ni Sen. Alan kung papaano itinuro sa kaniya ng kaniyang amang si Rene kung papaano dapat maging "patas" at walang dapat "itinatangi" nang minsan siyang mag-imbita at magpakain sa mga bisita. (Itutuloy). -- FRJ, GMA Integrated News