Bata pa lang, pangarap na ng 44-anyos na si Mylene Morial, na maging isang guro. Pero dahil sa mahirap ang kaniyang mga magulang, hanggang high school lang ang kaniyang naabot noon. Ngayong isa na siyang maybahay at may dalawang anak, maabot pa rin kaya niya ang kaniyang pangarap? Alamin at ma-inspire sa kaniyang kuwento.
Sa programang "iJuander," ikinuwento ni Mylene, mula sa Pinamalayan, Oriental Mindoro, na napilitan na siyang tumigil noon sa pag-aaral nang makapagtapos siya ng high school at hindi na siya nakatungtong ng kolehiyo.
"Nalulungkot po ako na hindi ako nakapag-aral nung kabataan ko. Pero sinabi ko sa sarili ko noon na kapag nabigyan ako ng pagkakataon na makapag-aral uli ay talagang mag-aaral ako," pahayag ng ginang na may dalawa nang anak ngayon, at nagtatrabaho naman sa bukid ang kaniyang mister.
Kaya naman nang magkaroon nga ng pagkakataon si Mylene na muling makapag-kolehiyo, hindi niya ito pinalampas at kumuha ng kurso sa pagtuturo para sa elementarya.
Kasabay niya ngayong nag-aaral ang dalawa niyang anak, na grade 5 pupil ang isa.
Ang pagpapatuloy ni Mylene sa pag-aaral, hindi na lamang para abutin ang kaniyang pangarap na maging guro, kundi para na rin sa kaniyang mga anak.
"Pangarap ko na isang araw masasabi nung mga anak na may titser silang nanay," naiiyak niyang pahayag.
Bago pumasok sa eskuwela, ipinagluluto muna niya ang kaniyang mga anak, at inaayos ang mga gamit ng mga bata sa pagpasok sa paaralan.
Mahirap man na pagsabayin ang pagiging estudyante niya at pagiging ina, kinakaya ito ni Mylene para sa pinapangarap niyang diploma bilang isang guro.
Ang kaniyang pagsasakripisyo, hindi naman nasayang dahil magtatapos na si Mylene sa kolehiyo. Tunghayan sa video ang kaniyang buong kuwento. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News