Balidosa kaya alaga ng isang lalaki ang kaniyang kutis na puhunan niya sa kaniyang trabaho bilang model. Pero ang kaniyang balat mula paa hanggang katawan, nagkaroon ng tila mga pantal, nangati, nagsugat-sugat at nag-iwan ng itim na marka. Ipinakulam nga kaya siya ng isang babae na may gusto sa kaniya?

Bukod sa nasira ang kaniyang balat, ikinuwento sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ni Willy Peka, 30-anyos, isang bar model, na bumagsak din ang kaniyang pangangatawan.

Sa umpisa, sinabi ni Willy na may napansin lang siya noong Marso na ilang pantal sa balat na tila allergy.

"Parang allergy na tuldok, tuldok. Habang tumatagal lalo na siyang dumadami, sobrang kati po. Dumadating sa time na nahihirapan na aking huminga. Nung pumunta ako sa dermatologist, niresetahan lang ako ng anti-allergy na parang pinapahid," ayon kay Willy.

Pero lalong lumala ang kaniyang kondisyon dahil umitim na ang mga dating pantal at may tila tubig. Hindi naman daw psoriasis ang tumama sa kaniyang balat, batay sa sabi ng isa niyang kaibigan.

Dahil sa kagustuhan na mapabilis ang paggaling ng kaniyang balat at malaman kung ano ang dahilan nito, "ipinatawas" ng kaniyang ina. Sinabi umano ng manggagamot na isang matandang babae ang nagalit kay Willy at ipinakulam siya.

Ang isa ring kaibigan niya, ipinatawas siya at kapareho rin umano ang sinabi ng manggagamot tungkol sa isang matandang babae na galit sa kaniya.

Dahil sa kaniyang kalagayan, tumigil na muna sa trabaho sa Willy. Nilalanggas niya ng pinagkuluan ng tangkay at dahon ng atis ang kaniyang balat para mabilis umanong gumaling ang kaniyang balat batay na rin sa utos ng manggagamot.

Matapos nito, nilalagyan ni Willy ng ointment ang kaniyang balat.

Si Willy, may naisip kung sino ang babae na posible umanong nagpakulam sa kaniya. Ang babae na naging kaibigan niya at nagkagusto sa kaniya pero kaniyang napagalitan at sinigawan.

Tama kaya ang hinala ni Willy at may pag-asa pa kayang gumaling ang sakit niya balat? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News