Labis ang tuwa ng mga mangingisda sa Ilocos Norte nang makalambat sila ng sangkaterbang yellowfin tuna na may sumama pang butanding sa karagatang bahagi ng Pagudpud.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, madidinig sa video footage na napabigkas ng "Grabe talaga!," ang kasama ng mga mangingisda habang inihahanda nila ang paghatak sa lambat.
Ilang bangka ang sinakyan ng mga mangingisda para tulong-tulong silang mailatag ang lambat na paikot upang makulong nila ang napakaraming isda.
Nang hinahatak na nila ang lambat, kasamang tumambad sa kanilang huli ang isang butanding na kanilang pinakawalan.
Nang maingat na nila ang lambat, tumambad na sa mga mangingisda ang napakalaking biyaya sa kanila ng dagat.
Kaniya-kaniya na sila ng lagay ng mga yellowfin tuna sa kanilang bangka. Sa dami ng kanilang nahuli, halos tumagilid na ang dalawang bangka.
Ayon sa mga residente, umabot sa halos isang tonelada ang nahuli nilang isda. Ngayon lang daw ulit ito nangyari sa kanila.
Nitong nakaraang Abril, isang grupo rin ng mga mangingisda sa Ilocos Norte ang nakahuli ng tinatayang 200 kilo ng yellowfin tuna sa bahagi naman ng Pasuquin.
Samantalang noong Hunyo 2023, laking tuwa ng mga mangingisda sa Ilocos Sur nang makahuli sila ng isang dambuhalang bluefin tuna na aabot sa 275 kilo ang bigat.
Isang mangingisda rin ang nakahuli noong November 2023 ng isang malaking yellowfin tuna na tumitimbang ng 36 kilos na nabingwit niya sa karagatang bahagi ng Laoag.