Uso ngayon sa social media ang mga post na nagpapakita na nakapagluluto o nakakapagprito umano sa pamamagitan lang ng sikat ng araw--gaya ng itlog. Pero totoo nga kaya ito? Alamin.
Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinubukan nila na magprito ng itlog sa ilalim ng sikat ng araw sa bahagi ng Dagupan City, Pangasinan.
Nang oras na gawin ang "eksperimento," umaabot sa 43 degrees celsius ang heat index.
BASAHIN: Content creator, nakapagprito sa pamamagitan ng init ng araw?
Isang kawali ang iniwan sa ilalim ng sikat ng araw ng ilang minuto, na nakapatong sa tungtungan na bakal din. Nag-iwan na rin ng isang itlog na binasag sa naturang bakal.
Habang hinihintay na uminit ang kawali sa sikat ng araw, nagluto muna ng itlog ang grupo na ginamitan ng apoy.
Ang kawali na inilagay sa apoy, uminit agad sa 93 degrees celsius pagkaraan ng dalawang minuto. At nang ilagay ang binasag na itlog, naluto agad ito sa loob ng isang minuto.
Nagpakulo rin ng mantika sa kawani na nasa apoy. Ang init ng mantika pagkaraan lang ng ilang minuto, nasa 115 degrees celsius. Kaya naman ang binasag na itlog, agad ding naluto.
Matapos nito, binalikan na ng grupo ang kawali na ibinilad sa sikat ng araw. Ang binasag na itlog na iniwan sa bakal, hindi pa luto nang kanilang balikan.
Pero maluto kaya ang itlog kapag inilagay sa ibinilad na kawali? Tunghayan sa video ang naging resulta. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News