Hindi mabuksan ng marami sa kanilang account sa Facebook, Instagram, at Facebook Messenger nitong Martes ng gabi matapos silang biglang ma-logged out.
Sa Downdetector.com, ang site na nagbibigay ng impormasyon tungkol sa status online ng mga website at social media platform, makikita na nakapula ang mga nabanggit na sites.
Mapapansin ang pagtaas ng linya ng "outages" dakong 11 p.m. Ang tatlong nabanggit na site ay pag-aari at pinamamahalaan ng Meta Platforms Inc., na dating Facebook Inc.
Nagkaroon din ng problema sa Threads, ang social network na inilunsad ng Meta noong nakaraang taon.
Ayon sa ulat ng US technology website na The Verge, "cybersecurity watchdog NetBlocks noted the issue is affecting multiple countries at once."
Naging trending sa X, dating Twitter, ang hashtags na "hacked," "Mark Zuckerberg," "what is happening," "Meta" at "FB and IG."
Sa post sa X, sinabi ni Meta communications director Andy Stone, na batid ng kompanya ang naging aberya.
"We're aware people are having trouble accessing our services. We are working on this now," saad nito.
Sa status page ng Meta, nakasaad na nagkaroon din ng “major disruptions” sa ilan nilang business tools, kasama na ang Ads Manager, Facebook at Instagram Shops, Meta Business Suite, at Meta Admin Center.— FRJ, GMA Integrated News