Mababakas sa isinulat ni Andi Eigenmann ang labis niyang pangungulila sa namayapa niyang ina na si Jaclyn Jose.

Sa Instagram Stories, inilahad ni Andi sa kaniyang ina na, “Ika'y nasa araw, sa ulan, at sa hangin na aking nilalasap. Umaawit ng kantang puno ng pag-asa at ligaya.”

“Wala na ang sakit. Wala na ang takot,” patuloy niya. “Makikita kita sa mga ulap, maririnig ang iyong mga bulong ng pagmamahal.

Sabi pa ni Andi, "Magkikita din tayong muli. Sa ngayon didinggin ko muna ang iyong mga awit.”

 

 

Si Andi ay anak ni Jaclyn sa namayapa na ring aktor na si Mark Gil.

Mary Jane Guck ang tunay na pangalan ni Jaclyn, pumanaw nitong Sabado sa edad na 60. Ayon kay Andi, heart attack ang dahilan ng pagpanaw ng kaniyang ina.

Unang kinumpirma ng kaniyang talent agency na PPL Entertainment ang malungkot na balita noong Linggo. Inihayag naman ng Philippine National Police, na naniniwala ang pamilya ng veteran actress na walang foul play sa nangyaring insidente.

Kasunod ng pagpanaw ni Jaclyn, nag-post ng kanilang mga magagandang alaala at pakikidalamhati ang mga celebrity na nakatrabaho niya sa 40 taon sa industriya ng showbiz. —FRJ, GMA Integrated News