Apat na taon nang single ang 38-year-old na si “Bia” (‘di niya tunay na pangalan), kaya naman nang makilala niya ang isang potential date sa isang dating app, ready to mingle na siya.
Sa loob ng pitong buwan, naging more than friends pa sila.
Kuwento ni Bia, “‘Yung daily routine talaga ng mag-BF, GF, tapos pag-uwi mangangamusta, tapos pag free time niya bago siya umuwi susunduin niya ako sa work then ihahatid ako sa house.”
Pero nang magtanong siya kung saan na ba papunta ang kanilang relasyon, sinabi raw nitong hindi pa siya handa.
“Sabi ko para kasing hindi ko nararamdaman na you seriously want na makipag-commit sa akin, so sabi niya gusto ko mag-work out ito pero hindi pa siya ready,” sabi ni Bia. “So nag-isip na ako ayoko naman na nahahang ako. So in-end ko roon.”
Tulad ni Bia, tila umasa rin daw sa wala sa loob ng walong buwan ang college student na itago natin sa pangalang “Arlene.”
Kuwento niya, “May spark kayo tapos lagi kayong nag-uusap…nung umamin na ako gusto kong linawin lahat kasi nga parang ang sweet, parang may special bond po kami, ganun, doon niya sinabi na wala po siyang gusto.”
Ang mga naranasan nina Bia at Arlene maituturing daw na “situationship” o, yung ginagawa niyo na ang mga bagay na ginagawa ng mga magkasintahan pero wala kayong “label” o commitment.
Ayon sa psychologist na si Dr. Anna Tuazon, may kaakibat na problema ang situationship kapag hindi malinaw ang expectations ng bawa’t isa.
“Ang problema dito is hindi clear so usually ang mangyayari mismatch actually ang expectations kasi imposible naman na wala tayong expectations whatsoever with the person that we’re intimate with,” aniya.
Kaya naman para hindi mauwi sa hurt feelings, payo ng eksperto, sa umpisa pa lang, mag-usap at maging honest na sa isa’t isa.
“Buti na sa beginning, be honest kasi kung masaktan ka man nung hindi mo pa siya minahal…the other very important time to talk is before you get intimate, before you cross that line and turn it to something physically intimate, kasi minsan, akala natin kaya natin na fun-fun lang diba? And then we get intimate, and then ayan na, we cannot separate our feelings anymore.”
Puwede rin naman daw maging ethical ang isang situationship kung pareho niyo itong gusto at may respeto pa rin sa isa’t isa.
At sa mga single naman na gustong makipagdate, payo ni Dr. Tuazon, “Just join group activities, events, clubs, classes join recreational classes. Even if you don’t meet that one person, if you don’t get to meet a romantic partner e di may natutunan ka, nag-enjoy ka.” — BM, GMA Integrated News