Para mabigyan ng gabay ang mga fur parent kung anong uri ng aso ang kanilang aalagaan, nagsagawa ng pag-aaral ang isang grupo sa United Kingdom kung gaano katagal ang buhay ng mga aso.
Sa ulat ng Agence France Presse, sinabing lumabas sa resulta ng pag-aaral na mas mahaba ang buhay ng mga maliit na aso na mahaba ang nguso [tulad ng whippets at miniature dachshunds], kaysa sa mga aso na flat ang nguso gaya ng mga sikat na English bulldogs.
Ibinase ang pag-aaral sa mahigit kalahating milyong aso sa UK. Ayon kay Kirsten McMillan, data manager sa UK charity Dogs Trust, ito ang unang pag-aaral na ginawa tungkol sa life expectancy o haba ng buhay ng iba't ibang uri ng aso, kasama na ang sukat, breed o lahi, mukha at kasarian ng mga ito.
"A medium-sized, flat-face male like an English bulldog is nearly three times more likely to live a shorter life than a small-sized, long-faced female, like a miniature dachshund or an Italian greyhound," sabi ni McMillan sa AFP.
Sa mahigit 150 breeds at crossbreeds sa UK, lumalabas na ang median life expectancy ng mga aso ay nasa 12.5 years.
Ang French bulldogs na pinaka-popular na breed sa Amerika noong nakaraang taon batay sa American Kennel Club, lumalabas na 9.8 years ang tagal ng buhay.
Ang mga aso na flat ang nguso na tinatawag na "brachycephalic," inaasahan na nagkakaroon ng problema sa paghinga dahil na rin sa maigsi nilang ilong.
Sinabi ni Dan O'Neill, pinuno ng campaign organization na Brachycephalic Working Group, naipapakita sa naturang pag-aaral ang "health and welfare crisis" sa mga sikat na breed ng mga aso.
"It is crucial that the public prioritizes health over what they might think looks 'cute' and we urge anyone considering getting a flat-faced breed to stop and think," pahayag niya.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa journal Scientific Reports, ang aso na may pinakamahabang buhay ay ang mga Lancashire heelers na may median life ng 15.4 years, na sinundan ng Tibetan spaniels (15.2 years) at miniature dachshunds (14 years).
Ang mga Labrador, na sikat din na breed sa UK ay naka-iskor ng 13.1 years pagdating sa tagal ng buhay.
Lumilitaw din sa pag-aaral na mas matagal nang kaunti ang buhay ng mga babaeng aso kumpara sa mga lalaki.
Mas mahaba rin umano ang buhay ng mga pure breed na aso, kumpara sa mga crossbreed, na taliwas sa resulta ng naunang pag-aaral.
Hinala ni McMillan, posibleng dahil ito sa "dawning of the era of the designer breed," na sinasadya ang crossbreed tulad ng labradoodles, cockapoos at pomskies na nagiging "fashionable."
"We're no longer just talking about mutts or unknown mixes versus purebred dogs," giit niya.
Ayon kay McMillan, dapat ikonsidera ng mga bibili o mag-aampon ng aso ang pagtukoy sa lahi o breed ng hayop dahil may mga aso na kakailanganin na mas madalas na dalhin sa vet clinics.
Pero kung isasang-tabi ang gastos sa pag-aalaga, ang pinakamalaking konsiderasyon na ibibigay ng pet owner ay ang panahon at pagmamahal niya sa hayop.
"These animals are members of our family," giit ni McMillan. "We want to ensure that we're doing everything we can to provide them with a long, happy and healthy life." — mula sa ulat ng AFP/FRJ, GMA Integrated News