Biglang nabutas ang sahig sa loob ng isang bagong supermarket sa Henan Province, China kaya mistulang kinain ng lupa ang ilang paninda at istante rito.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang paglubog ng isang buong aisle ng supermarket, at sumama ang dalawang istante ng mga paninda.
Tinatayang nasa tatlong talampakan ang lalim ng butas.
Sa kabutihang palad, nakaiwas ang marami sa mga customer, ngunit dalawang namimili ang nagtamo ng minor injuries matapos mahulog sa butas.
Tinulungan sila ng mga empleyado na makalabas at maisakay sa mga ambulansiya.
Base sa local reports, bago lang ang supermarket at wala pang isang araw na bukas nang maganap ang insidente.
Hindi pa naglalabas ng impormasyon ang mga awtoridad hinggil sa posibleng dahilan ng pagguho ng sahig.
Patuloy ang imbestigasyon ng Housing and Construction Bureau kung sumunod sa safety standards ang supermarket.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News