Kung muling ipapanganak at bibigyan lang ng isang propesyon na dapat niyang gawin, ano kaya ang pipiliin ng dating Manila mayor at "Eat Bulaga" host ngayon na si Isko Moreno: pulitika o showbiz?
Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," sandaling napaisip si Isko sa tanong at saka pinili ang propesyon na kayang makatulong na mabago ang buhay ng isang tao sa mabuting paraan-- ang pulitika.
"I think wala nang hihigit pa na mabago mo yung buhay ng isang tao through a particular authority and resources. So public service is really something else," ayon kay Isko.
Natatawang nilinaw ng dating alkalde na retirado na siya sa pulitika at tapat lang niyang sinasagot ang tanong nina Boobay at Tekla.
Ayon kay Isko, sa "universal rule," kayang baguhin ng isang effective leader sa mabuting paraan ang isang komunidad, lungsod o bansa.
"[Effective] leaders can really change the course ng buhay ng tao for the betterment," saad niya.
Sa nasabi ring panayam, inihayag ni Isko na hindi siya nanghihinayang sa pagkakaroon ng apo kay Joaquin Domagoso, sa kalagitnaan ng gumagandang career ng kaniyang anak.
"Every human being is a blessing," ani Isko na sinabing nag-e-enjoy siya sa kaniyang apo. "I am grateful. It's the other way around."
Birong tanong naman kay Isko, na kung isa kina Boobay at Tekla ang kaniyang mapapangasawa, sino ang pipiliin niya?
Si Tekla ang pinili ni Isko.
Alamin sa video ng "TBATS" kung bakit si Tekla at hindi si Boobay ang pinili ni Yorme. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News