Si Zoren Legaspi ang napiling ilagay sa "hot seat" ng programang "Sarap, 'Di Ba?" pero ang kaniyang misis na host ng show na si Carmina Villaroel ang kinabahan. Alamin kung bakit.

Sa nakaraang episode ng "Sarap, 'Di Ba?," ang mga action star ng "Black Rider" series na sina Zoren, Jeric Raval, at Ruru Madrid ang bisita sa nasabing show.

Nang isalang sa hot seat si Zoren, tinanong ni Carmina ang kaniyang mister na kung may gagawing movie na siya [Carmina] ang bida, at si Zoren ang direktor, sino ang kukunin niyang aktor bilang leading man ng kaniyang misis na dating na-link sa aktres.

Habang binabasa ni Carmina ang tanong, pabirong pinipikot ng aktres ang tenga ng kaniyang asawa para maging maingat sa pagsagot.

"Na-link sa 'yo?," tanong ni Zoren na tila nag-isip kung sino ang babanggiting aktor.

Tila lalong kinabahan si Carmina nang sabihin ni Zoren na gusto niyang tatlo ang magiging leading man ng kaniyang asawa sa naiisip niyang pelikula.

"Naalala niyo yung  '3 Men and A Baby'? Ito 3 Men ang A Sweetheart.' Ikaw, yung sweetheart," sabi ni Zoren kay Carmina.

Kasunod nito ay tinukoy na ni Zoren ang mga magiging leading man ni Carmina: sina Smokey Manaloto, Keempee de Leon, at Piolo Pascual.

Si Carmina, napangiti sa casting na naisip ng kaniyang mister.

"Si  Smokey sa comedy, si Keempee parang college-college, yung romance si Piolo," sabi pa ni Zoren.

Biro ni Carmina sa mister, "Humanda ka sa akin mamya sa bahay. Pa-action-action star ang image, patay ka sa 'kin."

Sa isang episode noon ng programa, naungkat ang tungkol sa isang aktor na muntik nang makatuluyan ni Carmina na nasa "kabilang" network.

Mismong si Zoren pa ang nagpaalala kay Carmina tungkol dito. (Basahin: Aktor na muntik makatuluyan ni Carmina Villarroel, ipinaalala ni Zoren Legaspi). -- FRJ, GMA Integrated News