Inamin ni Herlene Budol na pinag-isipan niyang mag-back-out sa Miss Grand Philippines matapos masangkot sa kontrobersiya dahil sa naging pamamaraan ng pagsagot niya sa interview question. Pero sa huli, nagpasya siyang ituloy ang laban.
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, sinabi ni Herlene na pinag-isipan niya kung deserve siyang sumali sa nasabing pageant matapos ang mga natanggap na puna.
“Umabot sa punto na hindi ako nakakatulog, hindi ako nakakapag-cellphone, dinelete ko lahat ng apps ko sa cellphone ko at hindi na ako kumakain din ng two days. First time po kasi na ganu’n kadami,” kuwento niya.
Iba raw ito kumpara noong dati rin siyang na-bash sa gitna ng ilang usapin na nabuntis umano siya ni Willie Revillame, dahil nadepensahan niya ang kaniyang sarili na hindi naman lumaki ang kaniyang tiyan.
“Pero dito kasi, hindi ko maipagtanggol ‘yung sarili ko kasi alam kong mali lahat ng sagot ko nga raw po,” anang beauty queen.
“Nababasa ko lahat ng comment, sabi ko nga sa kanila, ‘Ang galing niyong mam-bash. Naapektuhan ako.’ ‘Yung mental health ko, zero talaga,’” pag-amin ni Herlene.
Hindi niya itinanggi na dahil sa insidente, naisip niyang umatras sa naturang pageant.
“Naisip ko rin ho, kung mag-back out ho ako rito, parang sinabi ko ho sa kanila na ‘yung inspirasyon na sinasabi ko, mawawala, magiging back to zero ‘yung inspirasyon nila,” sabi ni Herlene.
Gayunman, nagdesisyon si Herlene na ituloy pa rin ang laban.
“Kung lumaban po ako ngayon, win or lose Tito Boy, kahit lumaban ako ngayon, matalo o manalo ako, at least ‘yung tinatawag nilang inspirasyon, lumalaban lang hanggang dulo,” pahayag niya.
Iginiit ni Herlene na seryoso siya sa pagsali niya sa pageant, ngunit humingi ng paumanhin na hindi niya naintindihan ang tanong.
“Para sa akin naman po seryoso naman po ako roon sa ginagawa kong ito. Pero hindi ko ho talaga maintindihan ‘yung tanong. Hindi ko ho alam kung bakit kahit sanay naman akong tanungin nang tanungin ng maraming tao,” sabi niya.
“Siguro ho noong time na ‘yun wala akong tulog, wala akong kain. Pero hindi ‘yun reason para hindi ako makasagot. Siguro nga ho dahil tinawag na nila akong ‘bobo,’ ‘tanga,’ okay lang po,” pagpapatuloy pa niya.
Inihayag ni Herlene ang natutunan niya sa kaniyang karanasan.
“Ang natutunan ko po rito sa pagkakamali na ito, is ‘yung more talk, more mistakes. More learning.’ Gusto ko pong matuto ako sa lahat ng pagkakamaling nagagawa ko sa buhay," pahayag niya.
"At nanghihingi po ako ng sorry kasi ‘yung inspirasyon na sinabi ko po ngayon, nanghina, which is ako po ‘yun. Pero hindi naman matatapos sa isang pagkakamali eh. Puwede pa namang itama ‘yun,” patuloy ni Herlene.
Nag-viral si Herlene kamakailan dahil sa sagot niya sa tanong na “Apart from your big social media following, what else have you got in order to win the crown?”
Tila kinabahan si Herlene sa pagsisimula ng pagsagot niya sa tanong.
“Thank you for that long question for me, chariz. I have a big followers because I have a big heart. O English yon, ha? Nakapag-compose po ako kaagad. Ano nga ulit yung tanong?”
Dahil dito, isinalin na lang ng nagtatanong ang kaniyang tanong sa Tagalog.
“I think this is the right time. Last year, siguro hindi ko po oras. Ang sabi nga ng adbokasiya ng Miss Grand is—ano ba ‘yun? World peace and then… what else again? Stop the war and peace,” tugon ni Herlene.
“Since I was young—ah ang sarap mag-English. Naranasan ko pong ma-bully sa eskuwelahan, mabugbog sa tahanan… dumayo ako sa ibang bansa, natutukan ng tatlong baril na talagang armalite, at naging isang dayuhan. Para sa akin, ang solid ng experience na yon. In my own experience, ayokong maranasan ng iba yon,” pagpapatuloy niya.
“Bilang isang Miss Grand, sisimulan ko sa aking experience na ipalaganap sa ibang tao na huwag matakot. Kahit anong pinagdaanan ng mga taong laging nakangiti, may katuturan yon at ikaw ‘yung magiging lakas ng ibang tao para maging lakas,” dagdag ni Herlene, na hindi mailarawan ang kaniyang naranasan.
“Hindi ko ma-explain,” dagdag niya. --FRJ, GMA Integrated News