"Sana marami kayong matulungan na kagaya namin na mahirap," sabi ng taxi driver na si Mang Antonio nang bigyan ng tulong ng "Eat Bulaga" para matutukan niya kahit man lang ng ilang araw ang pag-aalaga sa misis niyang na-stroke.

Sa segment na "GsaGedli" ng naturang noontime show, namimili ang mga host na sina Isko Moreno at Buboy Villar, ng taong makikita nila sa kalye para bigyan ng tulong pinansiyal.

Sa sandaling iyon, ang namamasadang taxi driver na si Mang Antonio ang nakita nila. 

Ayon kay Mang Antonio, hindi permanente ang pamamasada niya ng taxi dahil mayroon siyang karelyebo, o kapalitan bawat araw.

Sa isang araw, nasa P900 umano kung minsan ang naiuuwi niyang kita sa kaniyang asawa na na-stroke noong Marso.

Hindi raw naigagalaw ng kaniyang misis ang kalahati ng katawan kaya kailangan nito ang maintenance na gamot.

Nang malaman ni Isko ang kalagayan ng kaniyang misis, sinabi ni Yorme na kailangan ni Mang Antonio na ilang araw na pahinga sa pamamasada para matutukan ang pag-aalaga sa kaniyang maybahay.

Kaya para makapagpahinga ng 15 araw, pinagkaloob ng Eat Bulaga si Mang Antonio ng P15,000.00.

Biniro pa ni Yorme si Mang Antonio na bilangin ang iniabot na pera ni Buboy matiyak na hindi iyon nabawasan ng kaniyang asawa.

"Sana marami kayong matulungan na kagaya namin na mahirap," sabi ni Mang Antonio nang magpasalamat sa Eat Bulaga.

Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Huwebes, sinabi ng King of Talk na wala pang kontratang pinipirmahan si Isko sa Tape Inc. bilang permanenteng host ng Eat Bulaga.

Batay sa pakikipag-usapan umano niya sa manager ni Isko na si Wowie Roxas, sinabi ni Tito Boy na may alok umano ang Tape Inc. sa dating alkalde na maging regular host ng programa.

"He’s testing the waters,” saad ni Tito Boy tungkol sa kung tatanggapin ni Isko na maging permanenteng host ng "EB."

“Nakikiramdam kung siya ay tatanggapin, kung siya ay yayakapin ika nga ng sambayanang Pilipino and he'll take it from there,” dagdag ng TV host.

Nang makausap umano ni Tito Boy si Isko, sinabi ng dating alkalde na masaya siya na nakakatulong sa tao.

“Second nature sa kaniya ang pagtulong, at ang sabi niya ay this is his way of coming home dahil dito nagsimula si Isko Moreno sa ‘Dat’s Entertainment’ and ‘GMA Supershow’,” dagdag pa ni Tito Boy.-- FRJ, GMA Integrated News