Binalikan ni Paolo Contis ang pagsisimula niya sa showbiz noong bata pa lang siya. Nang mag-audition umano siya para sa isang kiddie show, number 36,000 ang bilang niya, at pagkatapos ay tinanong sa kaniya kung ano ang hitsura ng pinipritong itlog?’

Sa online talk show na “Just In,” na si Paolo ang host, ikinuwento ng kaniyang guest na si Bianca Umali na naranasan nito na magtiis na pumila sa mga audition sa mga network upang magkaroon ng proyekto.

Nagdadala pa raw noon si Bianca ng karton para may maupuan at mahigaan habang naghihintay. Ginagawa niya ito kahit na matanggap siya sa proyekto bilang extra.

Ayon kay Bianca, problema raw kapag umulan dahil mababasa ang karton at wala na siyang mauupuan o mahihigan.

Naka-relate naman si Paolo sa kuwento ni Bianca dahil maging siya man ay naranasan ding magtiis sa mahabang pila sa audition gaya noong sumali siya sa isang kiddie show sa kabilang network.

“Sa audition ng Ang TV, number 36,000 ako. So ilang ikot sa ABS (CBN) ‘yon. Tapos noong pumunta ako sa harapan, ang pinagawa lang sa akin, ‘Ano ang hitsura ng pinipritong itlog?’” kuwento ni Paolo kay Bianca.

“Sabi ni Mr. M, ‘Ano ang hitsura ng pinipritong itlog?’ ‘Po?’ ‘Ano ang hitsura ng pinipritong itlog?’” pag-alala ni Paolo na ipinagagawa noon sa kaniya ng direktor at star builder na si Mr. Johnny Manahan, o Mr. M.

Dahil dito, umarte si Paolo na parang nahihirapan ang kaniyang mukha pero comic pa rin.

“Tanggap ako!," pagbida ni Paolo kay Bianca. "Madaling araw hanggang hapon nandoon ako, ‘yun lang ang ginawa ko. Tanggap!” natatawang balik-tanaw ni Paolo, na isa na ngayon sa mga pinakamahusay na aktor ng bansa, mapa-comedy man o drama.

Sa kabila ng mga hirap na pinagdaan gaya nang karanasan ni Bianca, sinabi ni Paolo na may aral itong iniwan.

“Lahat. Pila, commute. It builds character and appreciation sa kung ano ang meron ka ngayon,” saad ni Paolo, na sinabing masarap na sariwain ang hirap na pinagdaanan noon at tinggnan naman kung nasaan na ang narating nila ngayon.

Natatawa ring binalikan ni Bianca ang kaniyang mga karanasan tuwing may mga press conference na isinasama na siya pero hindi pa siya bahagi ng main cast.

“Hindi pa ako kasama sa bida, pero alam mo ‘yung ‘pag nag-press con, kasama ka sa mga nakaupo, pero dulo,” natatawang kuwento ni Bianca, na gets na gets naman ni Paolo.

“Hindi ka tatanungin ng press! May pictorial ka, pero hindi ipapalabas,” natatawang hirit ni Paolo.

Idinagdag din nila ang panahon na "ilalako" o ilalapit sila sa showbiz press pero walang itatanong.

“Lahat naman ‘yan napagdadaanan natin… Pictorial, ang dami mong posing, ang dami mong palit, pero hindi mo ginagamit! Ang mga ginagamit pa rin sa aking mga picture kalbo pa ako, nakailang pictorial na akong may buhok!” natatawang sabi ni Paolo.

Sa mga pinagdaanan ni Bianca, naunawaan na raw ni Paolo kung bakit naging propesyunal at mahal ng aktres ang kanilang trabaho.

“Ngayon ko lang nalaman… that explains a lot kung bakit ka professional, kung bakit ka ganiyan,” sabi ni Paolo tungkol kay Bianca. --FRJ, GMA Integrated News