Tinanong ng "Eat Bulaga" dabarkads ang kambal na sumalang sa segment na "Pinoy Henyo" kung totoo paniniwala na nararamdaman ng isa ang nararamdaman ng kakambal. Gumana kaya ito para masagot nila ang pinapahulaang salita?
Ayon kay Mary Joy, sa "cesarean" na paraan sila iniluwal ng kakambal niyang si Mary Jane. Kaya naman daw hirap silang masabi kung sino sa kanila ang mas matanda o unang inilabas sa sinapupunan ng kanilang ina.
Kasunod nito, tinanong ang kambal kung totoo na nararamdaman ng isa kung mayroon sakit ang isa.
"Totoo ba 'yon o depende rin sa paniniwala?" tanong ni Maine Mendoza.
"Ano po kapag nakikita po yung expression na lang po siguro ng mukha. Nanamlay ganun po," sagot ni Mary Joy.
Ayon sa mga dabarkads, malalaman nila ang koneksyon ng kambal kapag nasagot nila ang papahulaang salita sa loob ng dalawang minuto.
Si Mary Joy ang natokang manghula ng salita, at si Mary Jane naman ang magbibigay ng clue.
Sa loob ng 30 segundo, nakuha na ni Mary Joy ang clue na hayop, nasa ere at eksekto ang pinapahuluaang salita na "tipaklong."
Kaya naman inisa-isa na ni Mary Joy ang pagbanggit ng mga kulisap gaya ng alitaptap, tutubi, at butterfly.
Pero kinailangan pa ni Mary Joy na dagdag na clue kung saan ito nakikita na dahilan para mabawasan pa ang kanilang oras na noo'y mahigit 50 segundo na.
Matapos magbigay pa ng pangalan ng ilang kulisap, nabanggit na ni Mary Joy ang "grasshopper," dahilan para ma-excite si Mary Jane na masasagot na ng kakambal ang pinapahulaang salita.
Nang magtanong si Mary Joy kung "tagalog" ang pinapahulaang salita, doon na niya nabanggit ang "tipaklong," sa oras na isang minuto at 29 na segundo.
Pero sapat kaya ang kanilang oras para sila ang maglaro sa jackpot round? Panoorin ang buong episode sa video.-- FRJ, GMA Integrated News