May mga sinusunod daw na pamahiin si Efren "Bata" Reyes sa tuwing maglalaro o sasabak sa mga laban sa bilyar. Totoo nga ba na kasama rito ang hindi niya paliligo? Alamin.

Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," inamin ng "The Magician" na sinusunod niya ang ilang pamahiin na bilin sa kaniya ng mga matatanda.

Sabi ni Efren, hindi na niya ulit isinusuot o ginagamit ang mga naisuot na niya na natalo siya sa laro.

"May mga pamahiin 'yung mga matatanda, pagka halimbawa 'yung dati kong suot, kahit lumang-luma na e 'yun ang sinusuot ko dahil 'yun ang nananalo eh," kuwento ni Efren.

"Sa tubig naman, halimbawa, akala nila may agimat ako. Bago ako maglaro ng bilyar, hindi muna ako maliligo baka mabasa, mawawalan ng bisa 'yung agimat," natatawa pa niyang sabi.

Kaya naman nilinaw ni Pia kay Efren kung totoo bang hindi talaga siya naliligo bago sumasabak sa laban.

"Hindi eh. Kasi 'yun ang naiisiip ko dahil sa sinasabi ng matatanda eh, binigyan ka ng bisa, kapag nabasa wala nang bisa," nakangiting sabi ni Efren.

Naliligo lamang daw si Efren kapag nakaranas na siya ng pagkatalo.

"Pagka talo ka na, galing ka sa talo, iligo mo na," natatawa niyang sabi.

At kung sunud-sunod naman ang kaniyang panalo, natatawang sambit ni Efren, "Hindi pa ako maliligo."

Samantala, hindi lang iisang pangalan ang kaniyang ginagamit noon sa mga kompetisyon para hindi siya iwasan ng ibang manlalaro.

"Bago ako magpunta ng Amerika, alam ng mga tao doon na darating na ako, na darating na ang Efren 'Bata' Reyes sa Amerika, eh siyempre paano ako makakalaban, paanong may lalaban sa akin doon kung 'yun kaagad alam nila na ako 'yun?," aniya.

"So 'yung pangalan ng kasama ko ginamit ko, 'yung Cesar Morales, eh hindi naman nila alam ang mukha ko eh, pangalan lang," kuwento niya.

Nagsimulang tawaging The Magician si Efren noong 1987, partikular sa isang magazine.

"Bawat dating ko roon, may napupulot silang iba ibang tira, na nakukuha nila na hindi nila alam," sabi ni Efren.

Inihayag din ni Efren na kailangan talaga niyang maglaro sa ibang lugar upang magamay ang "lamesa" o bilyaran ng iba.-- FRJ, GMA Integrated News