Bukod sa pagiging "The Magician," naging trademark na rin ni Efren "Bata" Reyes ang kaniyang ngiti kahit wala siyang ngipin. Kailan nga ba ito nagsimula, at bakit niya ito itinuturing lucky charm?
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," ikinuwento ni Efren na nagsimula siyang malagasan ng mga ngipin noon pang dekada 70s.
"Mayroon din ngipin kaya lang nu'ng panahon ng 1975, patanggal nang patanggal. Nu'ng mga 86 pinatanggal ko na talaga," sabi niya.
Hindi raw nagustuhan ni Efren ang paglalagay ng pustiso dahil nakaaapekto ito sa kaniyang mga laro sa bilyar.
"Naglagay na ako, mga ilang beses na akong naglagay ng pustiso, istorbo. Kapag naglalaro ako, nasa ngipin ang concentration," sabi ni Bata.
Samantala, ipinaliwanag din ni Efren kung saan nanggaling ang bansag sa kaniya na "Bata."
Paglilinaw niya, hindi ito dahil sa isa siya sa mga pinakabatang naglalaro noon.
"Nu'ng bago ako magbilyar at maglalaban sa ibang lugar, nagkaroon ng isang Efren din na magaling. Kaya lang 'yung Efren bungal din 'yung isang 'yon. Kaya binansagan na ako Efren 'Bata,' 'yung isa Efren 'Matanda,'" kuwento niya.
Ang mga taga-ibang bansa naman ang nagbansag sa kaniya na "The Magician" dahil sa naipapasok niya ang bola kahit tila pambihira.
"'Yung mga tirang 'yon napulot ko lang 'yun dati rin noong bata rin ako, 'yung mga tinitira ko ay nakita ko lang sa mga hindi marurunong. Kaya lang 'yung mga naglalaro na hindi marunong hindi nila alam ang ginagawa, ako ginagaya ko lang," kuwento niya.
Ayon pa kay Efren, kaya rin naman ng mga batang manlalaro ngayon ang mga pambihirang tira niya kung gagawin din ng mga ito.-- FRJ, GMA Integrated News-- FRJ, GMA Integrated News