Binalikan ni Boy Abunda ang hirap ng buhay na naranasan niya noon bago maging isang sikat na talk show host. Ang kaniyang ama, hindi nila mailabas sa ospital dahil walang pambayad, at naranasan din niyang matulog sa Luneta.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," inihayag ni Boy, isinilang sa Borongan, Eastern Samar, na nagmula siya sa napakahirap na pamilya.
"Ang aking mga ninuno ay mga magsasaka at mga mangingisda," aniya.
Dahil sa hirap ng buhay, pumanaw ang ama ni Boy sa hindi inaasahang pagkakataon.
"Tatay ko pumanaw, hindi namin mailabas sa ospital sa San Juan De Dios dahil wala kaming pambayad. My father died sa loob ng taxi, in the arms of his mother, my grandmother. That was a sad experience," anang King of Talk.
Wala ring sariling bahay noon si Boy kaya nakikitira lang.
"Natulog ako sa Luneta... Nakitira ako sa mga kamag-anak ng maraming taon," sabi niya.
"'Pag nanggaling ka sa wala, everything is a bonus. Pinangako ko noon, sabi ko, 'pag nabigyan ako ng pagkakataon, aalagaan ko ang nanay ko,'" pangako ni Boy sa kaniyang sarili.
Nagsimula si Boy sa teatro bilang isang production assistant na naglilinis sa backstage, at umasenso at naging stage manager.
Nagsumikap siya at naging Public Relations Officer ng Metropolitan Theater, pati na rin ng mga pinakamalalaking pangalan sa music industry.
Hanggang sa alukin siya ng GMA na subukan ang telebisyon.
"Jessica, I don't say no," natatawang sabi ni Boy, na hindi raw pinangarap na sumikat.
"Ni hindi ko nga alam na may telebisyon, and this is true. In Samar, wala kaming television sets. I didn't know there was such a job as a talkshow host. It was none in my dreams," kuwento niya.
Ang kaniyang ina, gusto raw siyang maging accountant, habang gusto naman ng kaniyang ama na maging abogado siya dahil sa kaniyang pagiging madaldal.
"Kung nasaan ako ngayon, I was able to give my family the best life I could possibly give," sabi ni Boy.-- FRJ, GMA Integrated News