Bumalik na sa GMA Network ang The King of Talk na si Boy Abunda.

Nitong Huwebes, pumirma ng kontrata si Tito Boy sa GMA Network Center sa Quezon City, na nagkukumpirma sa kaniyang pagbabalik bilang isang Kapuso.

Kabilang sa mga GMA Executive na dumalo sa contract signing sina Senior Vice President for Entertainment Lilybeth Gomez-Rasonable, Janine Nacar, at Bang Arespacochaga.

Nagbigay naman ng mensahe ng pagbati kay Boy via Zoom sina GMA Network Chairman and CEO Atty. Felipe Gozon, GMA Network President and COO Gilberto Duavit Jr., at Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe Yalong.

Sa panayam kay Boy noong nakaraang buwan, sinabi ng batikang talk show host na sa GMA nagsimula ang kaniyang career.

“Parati kong sinasabi na doon ako natutong maglakad,” saad niya.

Umugong ang pagbabalik-Kapuso ni Boy nang maglabas ng teaser ang GMA Network tungkol sa homecoming ng isang icon.--FRJ, GMA Integrated News