Tinanggap ni Kara David at ng dalawa pang siklista ang hamon na pumadyak ng 400 kilometro sa loob ng tatlong araw patungong Bicol para sa kani-kanilang mga misyon. Ano kaya ang naghihintay sa kanila kapag natapos ang mahirap na paglalakbay?
Sa "400 Kilometro" na dokumentaryo ni Kara David sa I-Witness, ipinakilala niya ang mga siklista na makakasama niya sa biyahe na sina Rainer Dalumpines, 32-anyos at electrician, at ang 71-anyos na propesor na si Jorge Saguinsin.
Sa loob ng tatlong araw, plano nilang marating ang Daraga, Albay, na may mahigit 400 kilometro ang layo mula Morong, Rizal.
Malaking pagsubok ito sa kakayahan ni Kara dahil 100 kilometro lang ang pinakamalayo niyang napadyak. Kaya unang pagkakataon ng batikang broadcast journalist ang pumadyak nang ganoong kalayo.
Samantala, taong 2007 nang halos hindi na makapaglakad o makabangon si Tatay Jorge dahil sa rayuma. Inirekomenda sa kaniya ng doktor na magbisikleta.
Magmula noon, unti-unting bumalik sa kaniya ang sigla sa kaniyang katawan. Kaya naman ang kanilang biyahe ang nagsisilbing pasasalamat din ni Tatay Jorge sa buhay.
Sa likod ng kaniyang pagbibisikleta, hindi naman naiwasang maaksidente ni Tatay Jorge, na dalawang beses nang sumemplang. Dahil dito, nagkaroon ng fracture sa kaniyang balikat pero hindi na inoperahan ng doktor.
Isa namang electrician si Rainer sa Intramuros, Maynila. Hindi talaga siya siklista noon at may katabaan. Gayunman, napilitan siyang magbisikleta nang mangyari ang pandemya.
Naiwan ang kaniyang pamilya sa Daraga, Albay. Buntis ang kaniyang asawa noon kaya pinilit niyang umuwi ng probinsya sakay ng bisikleta.
"'Yung mga first time ko po, napakahirap. Iisipin mo talaga, 'ayoko na,' pero sabi ko, 'Uuwi ako. Kailangang makauwi kasi gusto kong makita 'yung pamilya ko,'" sabi ni Rainer.
Matapos ang nakapapagod na pagbibisikleta na sinabayan pa ng mga pag-ulan, kung saan sinubok din ang kanilang mga puso't isipan, hindi mapigilang maging emosyonal nina Kara, Rainer at Tatay Jorge nang makarating na sila sa Cagsawa Ruins sa Daraga.
"Dream come true" para kay Tatay Jorge na matupad ang pangarap na makarating ng Albay sa pagbibisikleta, na naisipan niyang gawin 11 taon na ang nakararaan.
Naiyak din naman si Rainer sa pinagdaanan nilang pagsubok sa malayong biyahe. Pero sulit ang lahat ng pagod nang makita na ang kaniyang mag-ina.
Dumiretso naman si Kara sa Pilar, Sorsogon para bisitahin si Nathaniel Musa, ang bata na kinuha niya bilang scholar noong 2014 at pinag-aral sa kolehiyo.
Huling nakita ni Kara si Nathaniel noong 2016, at hiling niya na nakatapos sana ito ng pag-aaral.
Ngunit sa kaniyang pagbisita kay Nathaniel, hindi niya ito sa bahay pinuntahan kung hindi sa sementeryo. Kung bakit, tunghayan ang nakaaantig na buong dokumentaryo sa video ng "i-Witness." --FRJ, GMA Integrated News