Ikinuwento ni Jose Manalo na nagtamo siya ng anterior cruciate ligament (ACL) injury noon sa kaliwang binti dahil sa paglalaro ng basketball. Kung papaano niya ito nakuha, ikinagulat at nagpatawa sa mga dabarkads. Alamin.
"Ito 'yung kaliwa ko, sa basketball, [may]ACL injury ako," sabi ni Jose sa episode ng Bawal Judgmental segment ng Eat Bulaga nitong Miyerkoles, kung saan guest choices ang mga athlete na nagkaroon ng sports-related injury.
"Ang kailangan naman dito, continous ang laro, continous ang pagpapalakas," dagdag pa ni Jose.
Pero papaano niya nakuha ang injury?
"Kasi tumama sa ring ito eh, pag-lay up ko," biro paliwanag ni Jose.
Ayon pa sa komedyante, nakalaro niya noon ang ilang kilalang PBA players nang mangyari ang insidente.
"Pag-lay up kong ganu'n, tapos sumabay 'yung Vergel Meneses, iniwas ko (kanan). Tapos pag-ganito, si Johnny Abarrientos, iniwas ko uli (kaliwa). Tapos tumiwst ako 360, 'pag ganu'n ko sumobra pala. Tak!"
Karaniwan ang mga exhibition game na magkasama o magkalaban ang mga ilang celebrity at mga professional players para sa charity.
Napag-usapan ang injury ni Jose nang matanong ang isa sa mga guest na MMA fighter na si Jasper Meria, na sumabak sa laban kahit may iniindang injury.
Bago mag-MMA, naging boksingero rin siya, at palagi raw na nadi-disclocate ang kaniyang balikat.
"Kaya po nag-transition ako sa mixed martial arts, para in case nasa laban ako tapos na-dislocate, may paa pati kamay pa naman akong isa," sabi ni Jasper.
Dahil dito, hindi ipinaaalam ni Jasper sa publiko ang tungkol sa kaniyang shoulder injury, para hindi puntiryahin ng kaniyang mga katunggali.
Ang naturang injury ang dahilan para nahinto si Jasper sa pakikipaglaban.
"Nag-stop ako noong huli, parang nag-doubt na ako eh, na palagi na lang nakakalas. Kasi kahit natutulog ka tapos nakaganiyan (kamay sa likod ng ulo), makakalas siya," ayon sa kaniya.
"Habang nakakalas po kasi siya, 'yung buto ko nakakadkad," dagdag ni Jasper.
Kinakailangang gamitan ng titanium needle ang balikat ni Jasper at aabutin ng tatlong taon ang pagpapagaling.
Sa ngayon, nagtuturo si Jasper sa mga estudyante na beginners sa MMA. --FRJ, GMA Integrated News