Nahukay ng mga awtoridad ang mga higanteng taklobo na inipon at ibinaon sa buhanginan na aabot sa higit P18 milyon ang halaga sa Dumaran, Palawan. Bakit nga ba mabenta ang mga higanteng taklobo?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mahigit 300 na mga higanteng taklobo ang natagpuan sa pampang ng Sitio Malague sa Barangay Santa Teresita.
"Nakita ko 'yung dalawang bangka. Pagsisid namin nakakita ako ng taklobo na hinukay na nila. Pagkatapos noon nagsipagsibatan na rin sila. Natakot din siguro na baka isumbong sila. Mga lima po sila, hindi naman po mga taga-dito iyon," sabi ng mangingisdang si Adie Ignacio.
Dahil dito, humingi ng tulong ang team leader ng Bantay Bayan Dumaran na si Rolando Malaras mula sa Philippine Coast Guard, at hinukay ang mga taklobo na tumagal ng apat na oras.
Ayon kay Lieutenant Senior Grade Gretch Mary Acuario ng Coast Guard, posibleng ibinaon ang mga taklobo sa lugar para hindi makita dahil ipinagbabawal ang pangangalakal ng mga ito.
"Posibleng naghihintay pa itong may-ari nitong malalaking taklobo na ito. Mas madali kasi siyang itago sa shoreline," sabi ni Acuario.
Sadyang talamak daw sa Palawan ang ilegal na pagbebenta ng mga taklobo.
Noon ding 2020, nasabat ng mga awtoridad ang nasa halos 70 piraso ng 500 kilo ng taklobo na nagkakahalaga ng P1 milyon sa katabing barangay ng Capayas.
Ayon sa mga awtoridad, mabenta ang mga taklobo dahil ginagawa raw itong pamalit sa ivory na mula sa pangil ng mga elepante, na ipinagbabawal ding kunin.
Bakit nga ba kailangan protektahan ang mga taklobo at ano ang silbi ng mga ito sa karagatan? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS.--FRJ, GMA Integrated News