Ang biro ng isang ginang sa kaniyang mister na makakita sana sila ng ginto habang nangingisda sa Davao del Sur upang may ipang-ulam, nagkatotoo nang may sumabit na gintong kuwintas sa kanilang lambat.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nitong nakaraang Setyembre nang mangisda si Lani, 'di niya tunay na pangalan, at ang kaniyang mister para mayroon silang maipang-ulam.
Umaasa rin sila na makakapagbenta sila ng mahuhuli nilang isda para may maipambili na rin ng bigas.
Kasabay nito, biniro ni Lani ang kaniyang mister na makakita sana sila ng ginto na makalulutas sa kanilang mga problema.
Isa sa matagal na nilang pangarap ay matubos ang lupa ng kanilang ama na isang dekada nang nakasangla.
Ang biro ni Lani, nagkatotoo nang may sumabit na kuwintas sa kanilang lambat na kulay ginto at kakaiba ang disenyo.
Inakala nila Lani noong una na baka pekeng alahas na ibinebenta ang kanilang nalambat at nahulog lang sa dagat.
Pero ang kapatid ni Lani, tiningnan sa internet kung may katulad na disenyo ang nalambat na kuwintas. Doon sila nagkaroon ng hinala na baka tunay na ginto ang kuwintas at antigo.
Upang malaman kung totoong ginto ang kuwintas, nanghiram ang kapatid ni Lani ng pera para may maipamasahe at maipasuri ang jewelry shop ang alahas.
At laking tuwa nila nang makumpirma nga na ginto ang kuwistas na tinatayang 100 gramo ang bigat.
Para malaman naman kung antigo nga ang alahas, ipinasuri ng "KMJS" team sa antique collector na si Dr. Potenciano Malvar, ang larawan ng kuwintas.
Sa pag-analisa ni Dr. Malvar, mayroon siyang koleksyon na kuwintas na katulad ng sumabit sa lambat. Ang mga naturang uri ng alahas, pure gold at tinatayang higit 500 taon na ang edad.
Kaya kung tunay na antigo ang kuwintas na hawak nina Lani, sabi ni Dr. Potenciano, "Priceless ang item na 'yan na puwedeng i-exhibit sa mga museum."
Kaugnay nito, napag-alaman na naibenta nina Lani ang kuwintas sa private collector na si Mayor Jose Nelson "Tata" Sala, ng Sta Cruz, Davao del Sur, sa halagang P400,000.00.
Ayon kay Sala, binili niya sa naturang presyo ang alahas hindi dahil sa pagiging ginto nito, kung hindi sa historical value.
Gaya naman ng kanilang plano, ang bahagi ng napagbentahan nila sa alahas, ginamit nina Lani para matubos ang nakasanglang lupa ng kanilang ama.
Pero puwede bang basta na lang ibenta ang mga matatagpuang historical artifacts sa mga private collector? Alamin ang paliwanag ng kinauukulan sa naturang usapin. Panoorin ang video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News.