Namataan ang biglang pagdagsa ng napakaraming higanteng paniki sa apat na puno ng acacia sa isang kalye sa Zamboanga City.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing aabot sa isang dipa ang wing span ng mga paniki.
Agad namang naging atraksyon ang pagdagsa ng mga paniki.
Ngunit mabilis na nagpaalala ang mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi dapat gambalain o hulihin ang mga paniki, base na rin sa Wildlife Act.
Tanghaling tapat ng Setyembre 9 nang mapuno rin ng mga malalaking paniki ang puno ng acacia sa Plaza del Mar sa Zamboanga City.
Nagpadala na ng team ang DENR sa lungsod para imbestigahan kung bakit biglaan ang kanilang pagdagsa sa lugar.
Matatagpuan sa Pilipinas ang isa sa pinakamalalaking paniki sa mundo, na giant golden-crowned flying fox.
Aabot ng lima hanggang anim na talampakan ang kanilang wingspan, at may average na bigat na isang kilo.
Madalas matatagpuan ang mga giant golden-crowned flying fox sa mga probinsya sa Southern Philippines na kinaroroonan ng kanilang natural habitat.
Pero base sa ilang report, naglaho na ang mga ito sa maraming isla tulad ng Cebu.
Bukod sa hinuhuli sila ng mga tao, isang beses sa dalawang taon lang manganak ang mga paniki sa captivity at posibleng mas matagal pa ang production nila kapag nasa wild o mga gubat.--Jamil Santos/FRJ, GMA News