Sa kabila ng kaniyang edad, subsob pa rin sa pagkayod sa sakahan ang isang 73-anyos na lola sa Kabacan, North Cotabato para matustusan ang kaniyang pangangailangan at ng kaniyang mga apo.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na nasa pangangalaga ni Lola Bibiana ang kaniyang mga apo dahil nakakulong ang ama ng mga bata na kaniyang bunsong anak.

Para matustusan ang kanilang mga pangangailangan, partikular sa pagkain, kailangan isabak din sa bukid ni Lola Bibiana ang kaniyang kalabaw kahit buntis na.

“Three hundred [pesos] lang ‘yung araw-araw natin sa araro, ‘yung kalabaw P600. Isang linggo na ‘yun pambili ng bigas. ‘Yun lang ang sa akin 'pag mag-aararo ako, pero 'pag tao lang P300, kulang talaga,” sabi ni lola.

Kung walang makuhang trabaho sa bukid, nagtutungo si Lola Bibiana sa highway upang maghanap ng mapagkakakitaan.

“Kumukuha ako ng kangkong, nagpapakain ng baboy, kasi wala na akong ibang negosyo kasi, ‘yun lang at magbebenta ako ng mga pagkain ng baboy,” paliwanag niya.

Ang ibang anak ni Lola Bibiana na may mga pamilya na, nag-aalala rin sa kalusugan ng kanilang ina.

“Nakonsensya rin ako, kung mayroon ako, bibigyan ko siya. Iniisip ang mga posibleng mangyari ni Mama sa daruhan: mainitan, ma-collapse ganyan ba kasi matanda na,” sabi ni Jenny Rose.

Tumutulong din sa bukid ang ibang apo ni Lola Bibiana dahil na rin sa pangamba nila na baka may mangyaring hindi maganda sa kanilang lola kapag nasa bukid.

Nangungulila rin sila sa kanilang ama, na hangad nilang makitang muli.

“Mahirap walang mga magulang kasi walang mag-aalaga sa amin. Tutulungan ko si Papa na makalaya. Matagal na, tatlong taon ko na siyang hindi nakikita,” ani Justine, isa sa mga apo.

Sa kabila ng paghahanap ng pagkakakitaan para sa kanilang pagkain, nagtatabi rin ng pera si Lola Bibiana para may maibigay sa anak niyang nakakulong.

Umaasa si Lola Bibiana na makalalaya na ang kaniyang anak para makapagpahinga na siya.

“Tumawag siya kahapon, sinabi ko, ‘Magdasal ka sa Diyos na makakalabas ka ngayong taon kasi hindi ko na kaya,’” sabi ni Lola Bibiana.

Ayon kay Lola Bibiana, ang kaniyang kalabaw na si "Janet," ang maaaring nakakaunawa sa kaniyang kalagayan.

“Matanda na siya, mahina na talaga siya kasi buntis kasi. Pag wala ‘yan hindi ako nakakatulog, dito lang ‘yan siya 'pag gabi,” aniya.

Labis na nagpapasalamat si Lola Bibiana kay Janet na kaniyang nakakatulong sa bukid.

Para malaman ang lagay ng kalusugan ni Lola Bibiana, sinamahan siya ng "KMJS" team na ma-checkup. Bagaman malakas pa naman, ipinayo ng duktor na hindi na siya dapat gumawa ng mabibigat na gawain.

Ang lokal na pamahalaan ng Kabacan, nagkaloob din ng tulong kay Lola Bibiana. Kabilang ang mga groceries, bigas, at construction materials para sa kaniyang bahay. May vitamins din para sa kaniyang kalabaw na si Janet.

Sa mga nais tumulong kay Lola Bibiana at sa kaniyang pamilya, maaaring magpadala ng donasyon sa:

LANDBANK OF THE PHILIPPINES: KABACAN BRANCH
ACCOUNT NAME: BIBIANA B DETARINO
ACCOUNT NUMBER: 2736 2229 76

—FRJ, GMA News