Umamin umano sa pulisya ang pinsan ni Jovelyn Galleno sa Puerto Princesa City, Palawan na hinalay at pinatay niya ang dalaga na tatlong linggo nang nawawala. Ang suspek pa raw ang nagturo sa kinaroroon ng bangkay nito.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Police Captain Maria Victoria Iquin, city police spokesperson, na nalaman ang kinaroroon ng umano'y bangkay ni Galleno nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang pinsan ng dalaga na sina Yubert at Jobert, at nauwi sa saksakan.
Ayon kay Iquin, sa isinagawang imbestigasyon sa dalawa sa insidente ng pananaksak, inamin umano ni Jobert kung nasaan ang bangkay ni Galleno.
Pinuntahan naman ng mga awtoridad ang itinurong lugar sa masukal na lugar sa Pulang Lupa sa Barangay Santa Lourdes noong nakaraang Martes.
At doon nakita ang kalansay, pati na ang mga gamit ni Galleno, kabilang ang bag na dala niya nang huling araw na nakita siyang buhay.
Pero ayon sa kapatid ni Galleno, hindi sa ate niya ang mga nakitang underwear na kasama sa kalansay. Nagtataka rin sila kung bakit buto na agad ang nakitang mga labi kung talagang bangkay ito ng kaniyang kapatid.
Ayon kay Iquin, inamin umano ni Jobert na siya ang pumatay at nag-rape sa kaniyang pinsan. Inaalam pa rin nila kung sino ang iba pang posibleng sangkot sa krimen.
Hinihintay din ang resulta ng DNA test sa kalansay upang alamin kung si Galleno nga ito.
Ngunit duda ang pamilya ng dalaga kung ang mga pinsan nga nila ang nasa likod ng krimen.
Ang isang residente sa lugar kung saan nakita ang kalansay, sinabing wala naman silang naamoy na masangsang sa nagdaang mga araw kaya nagdududa rin sila kung bangkay nga ito ni Galleno.
"Nakapagdududa yung bungo na sinasabi nila three weeks ganun agad, linis?. Hindi ako naniniwala," anang ina ni Galleno. "Para sa akin hindi po 'yon siya."
Samantala, batay sa nakitang mga larawan, nagpahayag din ng alinlangan ang Public Attorney's Office (PAO) Forensic Laboratory Chief na si Dr. Erwin Erfe, kung kay Galleno ang kalansay dahil sa wala na umanong soft tissue [o kalamnan] sa mga buto gayun tatlong linggo pa lang nawawala ang biktima.
Maaari umano kasing mawala ang soft tissue sa buto pagkaraan ng apat hanggang anim na buwan. Posibleng mas maging mabilis daw ang pagkawala ng soft tissue kung gagamitin ito ng kemikal.
Panoorin sa video ang buong ulat tungkol sa kaso ni Jovelyn. --FRJ, GMA News