"Acceptance is key." Ito ang inihayag ni Angelu De Leon kaugnay sa kaniyang kondisyon na bell's palsy na lumalabas pa rin daw kung minsan.
Sa “Surprise Guest with Pia Arcangel,” sinabi ng aktres na bagama't nakararamdam pa rin siya ng mga senyales ng bell's palsy, mas bumuti na raw ang kaniyang kalusugan ngayon.
“Minsan, 'pag sobrang pagod lumalabas pa rin siya. Pero you know, I mean it doesn't bother me anymore. I think that's one thing — acceptance is key nga 'di ba,” ayon kay Angelu.
Sinabi ni Angelu na dahil sa kaniyang kondisyon, natuto siyang magpakumbaba at maniwala na may dahilan kung bakit nangyayari ang mga bagay.
“May mga ganu'n talagang parte sa buhay natin that kahit na anong minsan idasal mo na bumalik sa normal, or 'wag sana, or gumaling, pero hindi talaga. I think it grounds you also, and you get the fear na you are living [in God’s] ways,” anang aktres.
“Ako, I feel talaga na it’s really a grace from God, so I think it’s also inspiration to the people who [have] disabilities,” dagdag pa niya.
Naranasan ni Angelu ang bell's palsy noong 2009 at 2016.
Gayunman, hindi na niya ito itinatago.
Nakatatanggap din daw si Angelu ng mga mensahe mula sa mga tao na mayroon ding Bell's palsy, at ibinabahagi nila ang kanilang karanasan o mga tulong o payo sa aktres para malagpasan ito.
“I guess that's one way na to prove na 'yung disability, hindi siya disadvantage ganu'n,” sabi niya.
“Kaya sobra akong happy and kaya siguro nawawala rin siya, kasi nag-facial movement dahil nga tawa ka nang tawa, mukha na siyang normal.”
Ayon sa Mayo Clinic, ang bell's palsy ay isang kondisyon na nagdudulot ng agarang panghihina ng mga muscle sa isang bahagi ng mukha. At dahil paralisado ito, bumabagsak ang mukha, isang bahagi lamang ang nagagawang ngumiti at hindi maisara ang isang mata.
Panandalian lamang ang sakit, na kadalasang tumatagal ng ilang linggo. Hindi pa rin matukoy ang sanhi ng bell's palsy, ngunit isa sa mga sintomas nito ang mabilis na pagkakaroon ng banayad na panghihina hanggang sa buong pagkaparalisa ng mukha, kahirapan sa paggawa ng mga facial expression, paglalaway, pananakit sa paligid ng panga o tainga, at iba pa. --FRJ, GMA News