Habang nagtatrabaho sa Dubai, natuklasan noon ng isang babaeng overseas Filipino workers ang kakaibang karamdaman niya na Diffuse Cutaneous Systemic Sclerosis o Scleroderma. Ano nga ba ang pambihirang sakit na ito na balat ng tao ang naapektuhan?

Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabing limang buwan pa lang nagtatrabaho noon sa airport sa Dubai ang 33-anyos na ngayon na si Rica Charifa, nang maramdaman niya ang sintomas ng scleroderma.

Ayon kay Rica, kabilang sa mga nauna niyang naramdamang sintomas ng sakit ay pamamanhid at maninigas ng balat.

"Akala ko dahil lang sa weather ng Dubai," saad niya. "Sa tingin ko na-trigger siya sa working environment kasi nagwo-work ako sa airport and then madalas ako sa lamig."

Dahil sa kaniyang karamdaman, nagpasya nang umuwi ng bansa si Rica noong 2015 para maalagaan ang kaniyang sarili.

Kabilang din sa sintomas ng sakit ang mangingitim ng balat, nanunuyo, mangangati, may kasamang muscle pain, at nagiging shinny ang noo dahil sa pagkabatak ng balat.

Apektado rin ang joints niya, at hindi na maidiretso ang mga daliri at braso.

Ang scleroderma, ayon sa programa ay isang uri ng rare autoimmune disease na inaatake ang balat at connective tissue ng katawan.

Maaari umano itong kumalat sa buong katawan at maapektuhan ang internal organ tulad ng atay at kidney.

Sa ngayon, wala pang lunas o gamot sa naturang sakit at hindi pa matukoy kung bakit nagkakaroon ng scleroderma ang isang tao.

"Ang una kong ginawa acceptance," sabi ni Rica. "Kasi hindi ka makaka-move forward kung hindi mo tatanggapin ang sakit mo."

Paglilinaw ng dermatologist na si Dra. Jean Marquez, hindi nakakahawa ang scleroderma.

Bukod sa ilang remedyo tulad ng pagpapahid ng lotion at madalas na pag-inom ng tubig, malaking tulong para kay Rica ang natuklasang niyang support group para sa mga katulad niyang may scleroderma.

Tunghayan sa video ang buong pagtalakay sa naturang pambihirang karamdaman sa balat. Panoorin.--FRJ, GMA News