Kung nasa ibaba, magandang tanawin ang masisilayan sa isang lugar sa Toril, Davao City. Pero mula sa itaas habang sakay ng eroplano, kapansin-pansin ang higanteng uka sa lupa. Gawa ba ito ng bulkan, sinkhole o bumagsak na kometa?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi niFrank Yves Pacatang na dati na niyang nakikita ang malaking uka kapag bumibiyahe siya mula Cebu at Davao sakay ng eroplano.
Dahil sa nahihiwagahan siya kung papaano nagawa ang higanteng uka, naisipan niya itong kunan ng larawan at ipinost niya social media.
Nababalot na ng mga puno at halaman ang lugar. May mga naninirahan din sa ibaba at maging sa itaas ng uka.
Mula sa nagkomento sa larawan, nalaman ni Pacatang na ang uka ay bahagi ng Barangay Bato sa Toril.
Nang puntahan ng KMJS team ang lugar, makikita ang maganda nitong tanawin. May overlooking din na kainan sa itaas kaya dinadayo rin ito ng mga tao.
Mula sa itaas halos isang oras ang kailangang lakbayan upang marating ang sitio sa ibabaw ng uka. Kabilang sa mga nakatira rito si Eduardo Comidoy, na may ipinagawang swimming pool na maaaring rentahan.
Dahil sagana sa tubig ang lugar, maaaring magtanim sa iba ng mga prutas at gulay na ikinabubuhay ng mga tao.
“Ang tubig sa pool namin ay nagmula sa paligid lang. Merong bumubulwak na tubig diyan, kahit saan,” ani Comidoy.
Ayon sa isang 90-anyos na residente na si Manuel Alad, ang dating pangalan ng kanilang lugar ay Banud, o kawa.
Damuhan daw noon ang paligid sa kanilang lugar noong bata pa siya.
Pero papaano nga ba nagkaroon ng dambuhalang uka sa lugar?
“You can have ‘yung mga sinkhole pero ‘yun kasi, mostly mga carbonate rocks. Puwede rin ‘yung mga impact craters,” ayon kay Jyreen Penaloga mula sa Department of Environment and Natural Resources - Mines and Geosciences Bureau.
“Pero so far, wala naman silang nakitang mga old parts ng meteorites. So the only possible is isa siyang very, very old volcanic feature,” dagdag niya.
Pero paliwanag ni Penaloga, wala sa listahan nila ng mga aktibong bulkan ang lugar.
Ayon naman kay Valerie Shayne Olfindo, research specialist sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, ang malaking uka ay isang low-relief volcanic crater o Maar. Isa itong low volcano na nabubuo dahil sa phreatomagmatic eruption.
“‘Yung Banud crater po ay hindi kagaya ng Pinatubo at Taal na merong continuous na supply ng magma sa ilalim. Usually crater lake 'yung napo-form,” pahayag ni Olfindo.
“Hindi po dapat mabahala ang mga residente na malapit sa Banud crater dahil napakababa po ng posibilidad na pumutok,” dagdag niya.
Ang kapitan ng barangay sa lugar na si Alfredo Cabreros, sinabing handa sila kung kailangang ilikas ang mga tao kapag nagkaroon ng emergency.
“Siguro kapag mapatunayan, susunod kami sa utos ng gobyerno na lilikas kami. Pero kasi wala itong mga sulfuric element na makikita since bata pa ako,” ani Comidoy. —FRJ, GMA News