Pangarap ng 13-anyos na si Jaybee Sucal sa Sarangani na makilala rin sa larangan ng bilyar katulad ng idolo niyang si Efren "Bata" Reyes. Sino kaya ang mananaig kapag naglaban ang dalawa?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Jaybee na natuto siyang maglaro ng bilyar noong siyam na taong gulang pa lamang siya.
Nagsimula bilang "spotter" si Jaybee sa isang bilyaran, o siya ang kumukha ng mga bola at mag-aayps para sa mga maglalaro.
Dahil sa kaniyang kaliitan noon, hindi pa niya maabot ang mesa ng bilyar. Kaya sa mga holen muna siya nag-ensayo. Ang ginawa naman niyang tako, sanga ng puno ng ipil-ipil.
“Tinuruan ako ng aking Papa, paano planuhin, ano ang technique ng billiard,” saad ni Jaybee.
Makalipas ang tatlong taon, humusay si Jaybee at naging isang batang manlalaro. Sa edad na 12, lumaban si Jaybee sa iba't ibang tournament sa General Santos City, at tinatalo na niya ang mga kalaban na dalawa o tatlong beses ang tanda sa kaniya.
Maging ang 42-anyos na si Adam, ang may-ari ng bilyaran sa kanilang barangay, sinabing wala nang gustong humarap kay Jaybee sa kanilang lugar, maliban sa kaniya.
“Sa ngayon, natatakot sila sa kaniya. Wala nang babangga sa kaniya. Ako lang," sabi ni Adam.
Labing dalawang taon nang naglalaro ng bilyar si Adam, pero maging siya ay natalo ni Jaybee nang minsan silang maglaro.
“Dati, hindi ako kinakabahan. Ngayon, kaba na ako e kasi mas magaling na siya sa akin,” sabi ni Adam.
Dahil sa kaniyang mga laro, nakakapag-uwi si Jaybee ng P500 hanggang P7,000 na prize money sa bilyar, na ibinibigay niya sa kaniyang mga magulang para makatulong sa pamilya.
“Sinabihan ko na siya na ‘Bee, kung ano man ang gusto mo ipagpatuloy mo lang ‘yan. Pero, siguraduhin mo ang pag-aaral mo. Bago ka mag-billiard, mag-aral ka muna para maipatuloy mo ang nalalaman mo sa larong ‘yan,” paalala ni Bobby, ama ni Jaybee, sa kaniyang anak tungkol sa pagbibilyar.
“Nag-aaral muna ako. Kapag tapos na ang aral, tapos mag-module, pupunta ako sa mga bilyaran, doon mag-e-ensayo na rin ako. Gusto kong matapos ng pag-aaral, 'yang billiard nandiyan lang 'yan,” sabi naman ni Jaybee.
Pangarap ni Jaybee na makapunta sa Maynila kapag naka-graduate at ipursigi ang kaniyang karera bilang isang manlalaro ng bilyar.
"Gusto kong sumikat parehas kay Efren Bata. Para makatulong ako sa aking mga magulang. Magpapagawa kami ng bahay kasi madaling masira ang bahay namin."
Tulad ng maraming manlalaro, namamangha raw si Jaybee sa angking galing ng "The Magician."
“Siya 'yung pinakamagaling. 'Yung mga tricks niya wala nang sablay-sablay diretso na sa butas. Gusto ko siyang makalaban. Gusto kong magpaturo ng mga technique kay idol Efren,” sabi ni Jaybee.
Sa tulong ng KMJS, natupad ang pangarap ni Jaybee na makalaro niya ang kaniyang idolo na si Efren.
Naalala naman ni Efren kay Jaybee kung paano siya nagsimula sa pagbibilyar, at tinuruan niya ang prodigy ng ilan sa kaniyang mga tricks.
Sino kaya ang mananalo sa paghaharap ng dalawa? Panoorin ang video at alamin din ang regalo at payo ni Bata Reyes sa batang posibleng sumunod sa kaniyang yapak. --FRJ, GMA News