Pinatunayan ng isang nangangalakal ng basura na totoo ang kasabihang may "pera" sa basura. Ang naipon niyang mga barya sa pangangalakal, naipambili niya ng lupain na 3.5 ektarya ang laki.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni Janry Alburo, na taga-Payatas, Quezon City, na bukod sa barya na napupulot niya sa tambakan ng basura, may nakukuha rin siyang mga alahas, gadgets at maging pera ng ibang bansa.
Nang umabot sa mahigit kalahating milyon ang naipon nilang barya ng kaniyang asawa, ibinili nila ito ng lupa sa Cawayan, Masbate.
Pangarap daw talaga ni Janry na magkaroon ng lupa para kung tumigil na siya sa pamamasura ay doon na siya maninirahan sa probinsiya.
Pero nang magkaroon ng pandemic, nagipit si Janry at napilitan siyang isangla ang lupang nabili sa halagang P58,000.
Sa kasunduan na pinasok ni Janry, nakasaad na kailangang niyang mabayaran ang lupa sa loob ng dalawang taon para hindi ito maremata.
Kaya para matiyak na mababawi nila ang isinanglang lupa, lalo pang pinag-ibayo ni Janry ang pamamasura.
Nagtinda rin ng ihaw-ihaw ang kaniyang misis, at nagtulong din sila sa paggawa at pagbebenta ng basahan.
Muli, nakaipon sila sangkaterbang barya. At para malaman kung sapat kaya ang naipon nila para mabawi ang lupa pagkaraan ng dalawang taon, pinapalitan na nila ito sa bangko.
Paalala ng isang opisyal ng Bangko Sentral ng Pilipinas, hindi nararapat na ipunin ang napakaraming barya dahil maaaring magdulot ito ng kakapusan ng barya sa sikulasyon.
Umabot kaya sa P58,000 ang baryang naipon ni Janry para mabawi niya ang kaniyang pinaghirapang lupang sakahin? Panoorin ang buong episode na ito ng "KMJS."--FRJ, GMA News