Ihandog at ipagkatiwala din natin sa Panginoong Diyos ang mga mumunting bagay na mayroon tayo. Kaya Niya itong paramihin (Juan 6:1-15). Sinabi ni Andres na isa sa kaniyang mga Alagad at kapatid ni Simon Pedro: "Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” (Juan 6:8-9 – Magandang Balita Biblia).
MINSAN ay inanyayahan ako ng isang kaibigan na makisalo sa hapunan sa kanilang tahanan. Bago kumain ay nakaugalian na natin ang umusal ng maikling panalangin bilang pagpapasalamat sa biyaya ng Panginoong Diyos.
Ipinagpapasalamat natin sa Diyos ang biyayang pinagsasaluhan natin sa hapag kainan, sagana man ito o kakaunti lamang. Sapagkat ang pinaka-mahalaga naman dito ay ang munting biyayang ipinagkakaloob ng Panginoon.
Dahil ang Panginoon ay “galante” at hindi kailanman mauubusan ng mga biyayang ipagkakaloob Niya sa Kaniyang mga Anak. Partikular na sa mga taong salat sa buhay at halos wala nang makain dahil sa karukhaan.
Nadismaya lamang ako sa tinuran ng aking kaibigan nang magtanong siya kung bakit pa raw kailangan magdasal? Gayong idudumi rin naman daw ang pagkaing isinusubo sa ating bibig. Tila ibig ipakahulugan ng aking kaibigan na wala tayong dapat ipagpasalamat sa Diyos.
Utang natin sa Panginoon ang mga biyayang mayroon tayo ngayon tulad ng pagkain, damit, bahay, sasakyan at iba pang materyal na bagay. Hindi mapapasa-atin ang mga bagay na ito kung hindi ito kalooban ng Diyos. Ang lahat ng bagay na pag-aari natin ay biyaya ng Panginoon na dapat nating ipagpasalamat.
Ipinamalas din ni HesuKristo sa Mabuting Balita (Lucas 6:1-15) ang Kaniyang nag-uumapaw na biyaya matapos niyang paramihin ang limang tinapay at dalawang isda. Gayong napaka-imposibleng magkasya ang mga ito sa limang libong tao.
Ngunit dahil walang imposible kay Hesus. Nagawa niyang paramihin ang isang bagay na kakarampot at lumabis pa. Ito’y sa pamamagitan ng matibay na pananampalataya nina Andres (Ang kapatid ni Simon Pedro) at ng batang may dala limang tinapay at dalawang isda. (Juan 6:11)
Batid nina Andres at ng batang lalaki na hindi sasapat at magkakasya ang limang tinapay at dalawang isda para makakain ang ganoong karaming tao.
Para sa dalawang ito, wala na silang magagawang paraan at tanging si Hesus na lamang ang kanilang maaaring asahan sa pamamagitan ng Kaniyang himala.
Kaya’t buong puso nilang ibinigay at ipinagkatiwala kay HesuKristo ang kakarampot na mayroon sila (na tinapay at isda). Kasabay ng kanilang malalim na pananampalataya na parang sinasabi nilang “Panginoon, Ikaw na po ang bahala”.
Ang mga mumunting bagay na mayroon tayo ngayon gaya ng maliit na kita (sahod) at kakaunting pagkain na pinagsasaluhan natin ay maaari din nating ipagkatiwala sa ating Panginoon. Sa pamamagitan ng ating pagtitiwala at pananampalataya.
Gaya ng ginawa nina Andres at ng batang lalaki, ipagkatiwala din natin ang mga bagay na ito sa ating Panginoong Hesus at manampalataya tayo na kaya Niya itong paramihin at maaaring lumabis pa. Katulad ng ginawa Niyang pagpaparami sa limang tinapay at dalawang isda.
Minsan, may ilan sa atin na sa halip magtiwala at manalangin sa Panginoon para sila'y tulungan na maparami ang kakaunting bagay na mayroon sila, mas pinipili pa nilang magreklamo at magmaktol kung bakit mailap sa kanila ang grasya.
Pero papaano nga ba lalapit ang grasya kung puro reklamo ang tao at wala namang ginagawang pagsisikap? Ibinabato pa sa iba ang sisi sa nagiging kalagayan nila sa buhay. Halimbawa, sa halip na magsikap sa pag-aaral upang makapagtapos, at makahanap ng maayos na trabaho, uunahin ang barkada at pagpapakasaya hanggang sa malulong sa masamang bisyo, o makapag-asawa nang wala sa oras.
Kaya lalong nagiging mabigat ang kanilang buhay sa halip na gumaan. Hindi reklamo ang mag-aahon sa atin sa kahirapan, kundi ang pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos, at pagsisikap.
Obligasyon natin ang magpasalamat sa Panginoong Diyos, maliit man o sagana ang pagkaing pinagsasaluhan natin. Kung ito’y kakarampot lamang, manalangin at magtiwala tayo sa kapangyarihan ng Diyos. AMEN.
--FRJ, GMA News