Habang nag-i-island hopping sa Tingloy, Batangas, may nahagip sa camera ang grupo ng mga lokal na turista na tila buntot ng isda at tila mukha na hinihinala nilang sirena.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni JJ Tayco na nagtungo sila noon sa Batangas para sa isang team building.
Pero habang nag-i-island hopping sila, may nahagip sa kanilang camera na tila buntot ng isda na sumungaw sa ibabaw ng dagat habang nakasakay sila sa bangka.
Bukod sa buntot, may nahagip din ang camera na maitim na bagay, na kapag sinuri sa zoom, tila mukha na may mahabang buhok.
"Kakaibang nilalang yung nakita dito sa picure na to. Yung kulay po ng buntot kakaiba po talaga," ani JJ. "Sirena talaga ito. Totoo talaga ang mga sirena."
Bukod sa mga nakuhanan sa larawan, may tunog din na nai-record na tila tunog umano ng kumakanta o sumisigaw.
Ipinakita sa ilang residente ang mga larawan at may nagsasabing isda lang marahil ang nakitang buntot, pero may naghihinala rin na sirena iyon.
Ang 49-anyos na si Nady, sinabing may hibla ng buhok ng sirena na nakuha ang kaniyang ama na suwerte umano sa pangingisda.
Pero may kaakibat din umano itong malas sa hanapbuhay sa lupa kaya napilitan ang kaniyang ama na itapon ang buhok ng sirena.
Samantala, ipinasuri naman sa mga eksperto ang naturang mga larawan at audio na nakuhanan nina JJ. Alamin sa video ng "KMJS" ang kanilang naging obserbasyon kung totoo nga kayang sirena iyon. Panoorin.
--FRJ, GMA News