Nasa sa ating pagpapasya kung nais natin maligtas o mapahamak ang ating kaluluwa (Marcos 16:15-20). “Ang sinomang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas. Ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan”. (Marcos 16:16)
ANG ating relihiyon ay isang instrumento lamang upang ang ating pananampalataya sa Panginoong Diyos ay lumago tulad ng isang puno o halaman na mayabong at hitik sa bunga.
Pinapanday ng relihiyon ang ating pananalig sa Diyos para hindi tayo basta-basta magapi ng kasalanan at tukso. Sapagkat ang ating matibay na pananalig ang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan o sa Kaharian ng Diyos sa Langit.
Sapagkat kung wala ang relihiyon sa ating buhay, para tayong mga bangkang walang katig o gabay sa magkabilang gilid. Gegewang-gewang ang ating pananampalataya. Hanggang sa tayo’y tuluyang ilugmok ng kasalanan na siyang magbubulid sa ating kaluluwa.
Tunay na hindi ang relihiyon ang magliligtas sa atin kundi ang ating pananampalataya. Gayunman, ang relihiyon ang nagtuturo sa atin tungkol sa mga aral ng ating Panginoong HesuKristo na mababasa natin sa Magandang Balita o Bibliya.
Magkakaiba man ang ating relihiyon, bilang mananampalataya ng Panginoong HesuKristo, tungkulin pa rin natin na ipahayag at ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng tao. Partikular na sa mga taong nanlulupaypay at mahina ang pananampalataya sa Diyos.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 16:15-20) nang sabihin ni hesus sa Kaniyang mga Disipulo na habang sila’y humahayo sa buong mundo. Binilinan sila na ipangaral nila sa lahat ng tao ang Mabuting Balita.
Bagama’t may kalakip na babala si Hesus sa Kaniyang naging pahayag, matapos Niyang wikain na ang sinomang sumampalataya at mabawtismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. (Marcos 16:16).
Maaaring narinig na natin ang pamosong kasabihan na ang masamang damo raw ay matagal mamatay; Na pumapatungkol sa mga taong gumagawa ng kabuktutan o kasamaan.
Ang masasamang damo ba’y tumutukoy sa mga taong ayaw sumampalataya ayon sa ipinahayag ng ating Panginoong HesuKristo?
Marahil ay hindi naman ganoong karahas at kalupit si Hesus para sa mga taong ayaw sumapalataya sa Panginoon. Marahil ang nais lamang Niyang ipakahulugan na kung hindi mananampalataya ang sinoman ay maaaring mapahamak ang kaniyang kaluluwa sa impiyerno.
Batid natin kung ano ang ating kahihinatnan bunsod ng kawalan natin ng pananalig sa Diyos. At lalong alam na alam din natin kung ano naman ang ibubunga ng pagkakaroon ng matibay na pananampalataya sa Panginoon.
Musmos pa lamang tayo ay itinuturo na sa atin na dalawang lugar lamang ang maaaring puntahan ng isang tao matapos ang kaniyang buhay dito sa ibabaw ng lupa. Subalit nasa sa atin ang pasyakung paano natin iguguhit ang ating kapalaran.
Binigyan tayo ng kalayaan ng Panginoong Diyos na mamili kung anong klase ng buhay ang nais nating tahakin dito sa ibabaw ng lupa. Mamumuhay ba tayo sa tamang landas (ng kabanalan) o babagtasin natin ang daan patungo sa kasalanan (sa paggawa ng kasamaan) na ikakapamahak ng ating kaluluwa?
Ibinigay lamang ni Hesus ang Kaniyang mensahe sa Ebanghelyo (Marcos 16:16). Subalit nasa sa atin pa rin ang pagpapasya kung ano ang nais nating gawin sa ating buhay. Ang sumapalataya o manatiling matigas ang ating mga puso dahil sa kawalan ng pananalig.
Mayroon tayong pag-iisip kaya batid natin kung ano ang makakabuti at makakasama para sa atin. Hindi tayo dinidiktahan at pinipilit ng Panginoong HesuKristo na manampalataya tayo sa Kaniya.
Ngunit hinahayaan lamang niya tayong mamili kung nais ba natin maligtas o mapahamak ang ating kaluluwa. Ayon nga sa kasabihan, “Buntot mo, hila mo.”
Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, palakasin Mo nawa ang aming pananampalataya Sa'yo dahil nais namin na makapiling Ka sa Iyong Kaharian. Tulungan Mo kami na makaiwas sa mga tukso na magpapahamak sa aming kaluluwa. AMEN.
--FRJ, GMA News