"People of the Philippines, I have returned." Ito ang masayang pagbati ni Mike Enriquez nang makausap ang ilang mamamahayag online nitong Biyernes.
Magbabalik na sa trabaho ang isa sa mga haligi ng GMA News matapos ang kaniyang ilang buwan na medical leave mula noong nakaraang Disyembre.
Sumailalim si Mike sa kidney transplant at kinailangan ang tatlong buwan na isolation period.
Ibinahagi ni Mike sa media conference ang naging proseso sa kaniyang pagpapagaling.
"'Yung pinagdaanan ko mahirap," saad niya. "Aside from the procedure itself, may three months mandatory isolation period, and the purpose of that is to avoid the rejection and infection. 'Yung kidney transplant patients, immuno-compromised sila eh. May comorbidities pa ko, senior citizen, diabetic,"
Sinabi ng batikang broadcaster na pinili niyang sumaisalim sa naturang medical procedure para, "To improve my quality of life."
"Imagine this, three times a week, sometimes four times a week, I am hooked up to a dialysis machine for four hours. Ask people who undergo dialysis, para kang binugbog ni Manny Pacquiao, physically," kuwento niya.
Matapos kumonsulta sa mga duktor, nagpasya siyang gawin na ang procedure.
Sinabi ni Mike na hindi madali ang proseso na kaniyang pinagdaanan— bukod pa sa heart bypass operation noong 2018 — at magiging imposible lang mga ito "if God wills it so."
Kaya naman payo ni Mike batay na rin sa kaniyang naging karanasan: "Keep the faith."
"You need two things: You need prayer, and you need humor. Kung masyado kang seryoso sa buhay mo, walang mangyayari sa'yo," pahayag niya.
Magbabalik si Mike sa kaniyang mga programa na "24 Oras," "Imbestigator," at "Super Radyo DZBB" simula sa Lunes, Marso 28. —FRJ, GMA News