Nasa mahigit 30 katao na ang iniulat na dinukot sa iba't ibang sabungan na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita. Kaya masuwerteng maituturing si Alyas Lando dahil buhay siya na nakauwi matapos na kunin sa sabungan, ginulpi, at tatlong linggo na idinetine.

Matapos ang imbestigasyon sa Senado, naglabas na rin ng direktiba ang Malacanang na nag-uutos sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na imbestigahan ang kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ang Criminal Investigation Detection Group ng Philippine National Police, sinabing may mga suspek na sa ilang kaso ng nawawalang sabungero. Bukod pa rito ang mga itinuturing nilang "person of interest".

Habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad, isang lalaki na itinago sa pangalang "Lando," ang dinukot din umano noon sa sabungan pero nakauwi siya ng buhay ang nagbigay ng kaniyang kuwento sa "Kapuso Mo, Jessica Soho."

Paglalahad ni Lando sa "KMJS," bigla na silang dinampot sa sabungan at pinagsusuntok.

Dinala umano siya sa barracks ng mga kumuha sa kaniya at muling ginulpi.

"Ang sabi, 'Gusto mo isasako kita?'  Nakatali na yang kamay ko," ani Lando. "May nakita ako dun na anim na nakagapos. Sabi nagtsutsupe [nagpapatalo ng laban] daw."

Hindi binanggit kung ito nangyari, saan sabungan siya dinukot at kung sino ang mga kumuha kay Lando.

Pero ayon kay Lando, tumawag raw ng pulis ang may hawak sa kaniya at may dumating na pinaniniwalaan niyang mga pulis na nakasibilyan.

"Tapos dinala nila ako dun sa safehouse. Pagdating dun nagkasa-kasa ng baril yung pulis," patuloy niya.

Makaraang ang buong araw na magkakadetine, dinala raw sila sa madilim na lugar.

"Yung scenario nila doon pa lang sa may safehouse, gumagawa na sila dun ng mga paraphernalia, mga shabu na ikakaso nila sa amin. Frame up yung nangyari," ani Lando.

"Wala talaga kaming dalang droga o baril kasi ang punta lang namin dun sa sabungan, sabong lang. Tapos pinapipili nila kami kung kung anong gusto namin... patay, buhay o kulong," patuloy niya.

Akala raw ni Lando ay papatayin na sila.

"Yung boss ko po kasi may mga contact na kilala din nila. Kaya hindi kami pinatay," sabi ni Lando.

Makalipas ng tatlong linggo na pagkakadetine, nakauwi ng buhay si Lando sa kaniyang pamilya.

"Sabi ng isang pulis sa akin, 'Pasalamat ka nga nakatimbre kayo," kuwento niya. "Natakot na nga akong bumalik sa sabungan. Gusto ko po makatulong at saka matapos din."

Panawagan niya sa mga may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero, lumantad na ihayag ang nalalaman.

Ang PNP-CIDG, tumanggi umanong magbigay muna ng pahayag habang patuloy na iniimbestigahan pa ang kaso.

Samantala, naging viral naman kamakailan ang isang video sa social media na makikita ang isang lalaki na bugbog-sarado sa labas ng isang sabungan sa Davao del Sur.

Sinasabing nandaya rin umano o nangtsupe ng manok ang lalaki at may kasama pa raw na mandurukot.

Natunton ng "KMJS" team ang lalaking binugbog at nakilalang si Marvin, taga- General Santos City, at dumayo lang sa naturang sabungan kasama ang kaniyang anak.

Sa "KMJS," inihayag ni Marvin ang kaniyang kuwento kasabay ng mariing pagtanggi na nangtsutsupe siya sa sabong. Panoorin ang buong kuwento at alamin kung bakit walang nakasuhan sa nangyari sa kaniya.

--FRJ, GMA News