Hindi nawawala taun-taon ang mga prediksyon na sinasabing gabay sa mga tao upang makapag-ingat. Ngayong 2022, alamin ang mga pangitain ng ilang kilalang psychic at feng shui consultant sa bansa.
Sa ulat ni Mav Gonzales para sa programang "Brigada," binalikan niya ang ilang prediksyon sa 2021 ng mga psychic na sina Madam Suzette Arandela at Mamu Hayi, at feng shui consultant na si Johnson Chua, na umano'y nangyari.
Kabilang diyan ang malakas na bagyo na tumama noong Disyembre, naganap na lindol, at ang bahagyang pagbawi ng bansa sa COVID-19 sa huling bahagi ng taong 2021.
Ngayon 2022 na Year of Water Tiger, sinabi ni Chua na mananatiling challenging ang taon pero hindi niya ikinukonsiderang malas.
Paliwanag ng feng shui consultant, magiging interesting pa rin ang 2022 at maraming magaganap na development.
"Maraming development din, maraming businesses na puwedeng maglabasan naman sa taong ito. Maraming way din na pagkakitaan," pahayag niya.
Paalala niya, dalawang bagay ang kailangang gawin sa taong 2022: Be flexible, be adaptable.
Sabi pa ni Chua, ang Top 3 animal signs na suwerte ngayong 2022 ay ang mga ipinanganak sa Year of the Pig, Year of the Horse, at Year of the Rooster.
Sinabi naman ni Madam Suzette na magandang taon ang 2022 para sa mga single na nais magkaroon ng love life.
"Kung single at naghahanap, its a good time. Pero yung settling down o magpapakasal medyo i-avoid muna," payo niya.
Nakikita naman ni Madam Suzatte na magiging maligalig ngayong taon ang mga bulkang Taal, Pinatubo at Mayon.
Kailangan umanong mag-ingat sa mga buwan ng Pebrero hanggang Mayo kung saan nakikita niya na mag-aalburoto ang Taal.
May mga nakikita ring trahediya si Mamu Hayi ngayong 2022 tulad ng malalakas na lindol.
"Sa unang mga buwan ng 2022 ang sasapul 'to ulit sa gawing Mindanao pa rin," babala niya.
Dahil maraming kompetisyon sa 2022, sinabi ni Chua na may posibilidad ng kaguluhan tulad ng giyera o riot.
Paglilinaw nina Mamu at Madam Suzatte, mga gabay at babala lamang ang kanilang mga prediksyon upang makapag-ingat ang mga tao at hindi para mamilit na paniwalaan sila.
--FRJ, GMA News