"At namangha sila sa Kaniyang mga aral. Palibhasa'y nangangaral Siyang katulad ng isang may taglay na kapangyarihan, at hindi kagaya ng mga Eskriba". (Marcos 1:22)"
MAY kilala ako na hinahangaan ng iba naming kaibigan dahil sa husay na pagsasalita at mahusay mangumbinsi. Binibiro nga siya na puwede siyang maging mahusay na salesman.
Kung magsalita kasi ang kakilala namin, parang alam na alam niya ang kaniyang mga sinasabi. Kaya mayroon siyang tinatawag na "convincing power" o kapangyarihan na manghikayat.
Ngunit hindi lang husay sa pananalita ang dapat na taglay ng isang mahusay na manghihikayat. Hindi sapat ang mabulaklak at matatamis na salita upang mapasunod niya ang iba.
Dapat din niyang taglayin ang katangian ng pagkakaroon ng kredibilidad. Kung wala siyang kredibilidad, maaaring mapaniwala niya ang kausap, pero niya niya mapasusunod na gawin ang nais niya.
Sapagkat ang kredibilidad ay sumasalamin din sa pagkatao kung dapat ba siyang tuluran at paniwalaan.
Matutunghayan natin sa Mabuting Balita (Marcos 1:21-28), na humanga at namangha ang mga tao kay Hesus dahil sa Kaniyang napakahusay na pagtuturo at pangangaral. Inihalintulad ng mga tao ang Kaniyang pangangaral na hindi kagaya ng pagtuturo ng mga Eskriba.
Itinuturo ng Pagbasa na napakahalaga para sa isang tao ang kredibilidad. Dahil ito ang salamin ng ating totoong pagkatao. Sa kredibilidad makikita kung anong uri tayo ng nilalang, kung tayo ba ay mapagkakatiwalaan.
Bilib na bilib ang mga tao sa ating Panginoong HesuKristo sapagkat sa unang pagkakataon ay nakakita sila ng isang mangangaral na kanilang paniniwalaan at may kredibilidad sa Kaniyang mga inihahayag. Malayong malayo sa estilo ng mga Eskriba, ang mga taong nag-aaral at nagpapaliwanag ng mga kautusan ni Moises.
Winika ni Hesus sa mga tao at Kaniyang mga alagad na ang mga tagapagturo ng kautusan at ang mga Parieso ay mga tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Ipinayo Niyang gawin at sundin ang mga itinuturo nila. (Mateo 23:2-3)
Gayunman, nagbabala si Hesus na huwag nilang tutularan ang ginagawa ng mga ito sapagkat hindi nila isinasabuhay o ginagawa ang kanilang ipinapangaral.
"Sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa." (Mateo 23:2-3)
Ipinapakita ng Talata mula sa Sulat ni San Mateo na sino nga namang tao ang maniniwala sa isang tagapagturo na hindi naman isinasabuhay ang kaniyang ipinapangaral o itinuturo katulad ng mga Pariseo at mga Eskriba.
Gaya sa loob ng isang tahanan, papaano mapasusunod ng magulang ang kaniyang anak sa kung ano man ang kaniyang ipinapayo kung sila mismo ay hindi rin ginagawa ang kanilang inihahayag. May mga magulang na pinapayuhan ang mga anak na huwag manigarilyo dahil masama sa kalusugan, pero naman ay naninigarilyo rin.
May mga lider din na ganito ang gawain na mahilig magpayo at manawagan sa mga tao pero hindi naman nila ginagawa ang kanila mismong sinasabi. Kaya papaano mo sila mapapasunod kahit pa mahusay kang magsalita?
May kasabihan nga na, practice what you preach.
Kaya mababasa natin sa Ebanghelyo na manghang-mangha ang mga taong nakikinig kay Hesus dahil sa ipinamalas niyang husay sa kaniyang pangangaral na may kasamang gawa.
Ang Kaniyang salita at gawa ay iisa. Katangian na mahirap hanapin sa mga Pariseo o mga tagapagturo ng kautusan.
Nawa'y sa pamamagitan ng Pagbasa ay matularan natin si Hesus na ang Kaniyang mga salita ay may kasamang gawa. Ipatupad o gawin natin ang ating mga ipinapayo o sinasabi sa iba. Nawa'y ingatan din natin ang ating kredibilidad bilang nilalang ng Diyos na may isang salita.
MANALANGIN TAYO: Panginoon nawa'y magawa po naming tularan Ka na ang aming mga salita ay may kasamang gawa. Upang paniwalaan kami ng mga tao. Hindi na mahalaga kung humanga sila sa amin, sapagkat ang pinakamahalaga ay ang aming pagkatao at pagsunod sa kalooban Mo. Amen.
--FRJ, GMA News