Itinuturing ng isang opisyal sa bansang Israel na pinakamalalang wildlife disaster sa kanilang kasaysayan ang biglang pagkamatay ng libu-libong migratory birds na crane.
Ang mga crane ay mayroong mahabàng leeg at binti, at nakikita sa mga katubigan, at kayang magpalipad-lipat ng lugar sa pamamagitan ng paglipad.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa video ang mga ibon na nanghihina at hindi makalakad hanggang sa tuluyang matumba.
Ito rin ang sinapit ng iba pang mga ibon hanggang sa tuluyan na silang pumanaw.
Makikita ang mga patay na ibon na nagkalat sa isang swamp.
Ayon kay Environment Minister Tamar Zandberg, ito na ang pinakamalalang wildlife disaster sa kasaysayan ng Israel.
Bukod sa 5,000 na namatay na crane, kinailangan katayin din ang daan-daang libong manok bilang pag-iingat.
Bird flu ang nakikitang dahilan ng mga awtoridad sa pagkamatay ng mga ibon.
Ipinagbawal muna ang pagbisita sa Hula Lake Park, isang nature reserve na nagsisilbi ring tourist spot.
"We are here at Hula Valley, at the Hula reservoir at the midst of a serious outbreak of bird flu which hurts the cranes. Actually this is the worst blow in wildlife ever. There are thousands of cranes which already died and we still don't know the further spreading amongst other wildlife, water sources. This is a contagious disease which hurts humans too," sabi ni Zandberg.
Sinabi ng tagapagsalita ng Hula Lake na posibleng nakahalubilo ng mga crane ang mga mas maliliit na ibon sa mga farm na apektado ng bird flu.
Sinabi ng mga awtoridad na pahirapan ang cleanup sa mga patay na ibon dahil marami sa mga ito ang mga nasa lugar na hindi madaling mapuntahan.
Patuloy ang monitoring ng mga awtoridad doon sa sitwasyon para matukoy kung nahawa ba ang ibang wildlife.
Sa kasalukuyan, wala pang report kung may taong nahawa sa bird flu.
Isang nakamamatay na viral infection ang bird flu o H5N1, na kadalasang tumatama sa wild aquatic birds. Maaari itong maipasa sa domestic poultry animals gaya ng mga manok.
Nadiskubre noong 1997 sa Hong Kong ang unang kaso ng H5N1 na naipasa sa tao.
--FRJ, GMA News