Bukod sa kasaysayan na dito ipinatapon ang pambansang bayani na si Jose Rizal, marami pang ibang dahilan para pasyalan ang Dapitan City. Kabilang na dito ang magagandang lugar tanawin tulad ng nakatagong paraiso na Selinog Island.
Sa programang "iJuander," sinabing hindi pa masyadong napupuntahan ng mga dayuhan at lokal na turista ang Selinog-- na nakapuwesto kung saan nagtatagpo ang Sulu Sea at Bohol Sea.
Mahigit siyam na milya ang layo nito sa mainland Dapitan, at isa itong island barangay na may 800 residente.
Nagkakahalaga ng P350-P500 ang bangka na bibiyahe mula Dapitan City papuntang Selinog Island. Aabot ng isa hanggang dalawang oras ang biyahe para ito marating.
Walang entrance fee sa Selinog Island, pero inaasahan na makikisama at susunod ang mga turista sa mga patakaran para mapanatili ang kalinisan sa isla.
Maaari ding libutin ang isla sa pamamagitan ng pagbibisikleta na maaaring arkilahin sa halagang P50 lamang.
Hindi rin mawawala ang white sand at napakalinaw na tubig na taglay ng isla kapag mag-iikot ang turista.
Handog ng Cattapa Cafe, ang nag-iisang kainan sa loob ng isla, ang seafood trip tulad ng Liswi o uri ng sea snail na madalas nakikita sa isla, at inihaw na Kubotan o pusit.
Ayon kay Dapitan City Tourism Officer Apple Marie Agolong, ang Selinog Island ang isa sa mga diving haven ng Dapitan City, kung saan maaaring gawin ang iba't ibang aktibidad tulad ng island exploration, snorkeling at diving.
Bukod sa Selinog Island, bagong atraksyon din sa Dapitan City ang Lakbay Pinas, ang kauna-unahang historeo cultural amusement ride sa buong Pilipinas.
--FRJ, GMA News