Matinding lungkot ang nadarama ni Michael V. at hindi naihanda ang sarili na mamatayan ng alagang ibon na inatake ng pusa.
Sa Instagram, ipinost ni Michael V o Bitoy nitong Lunes, ang mga larawan at video ng kaniyang alagang ibon na isang sun conure na pinangalanan niyang "Pepper."
"It's our first time losing a pet after a long while. Hindi yung nawala or naligaw or ninakaw kundi 'namatayan' ng alaga," ayon sa komedyante.
Lubhang napamahal kina Michael V. ang ibon dahil minsan na itong "naglayas" nang lumipad at hindi umuwi sa kanila ng magdamag.
Bumalik naman ang ibon kinabukasan.
"We were kinda assured na hindi na uli siya aalis. Plus, we found out that they can live up to 30 years or so kaya we were confident that he'll be around us for a long time," kuwento ni Bitoy.
"Then today, December 6, around 3pm, 'yun na...nadala daw si Pepper ng pusa," patuloy niya.
Ayon sa kaniyang kasambahay, lumipad sa bakuran si Pepper at inatake ng pusa. Naging napakabilis daw ng pangyayari.
"I held Pepper's lifeless body in my hands. May patak pa ng dugo 'yung makulay na feathers niya. He was still warm and his eyes were half open but he wasn't moving," saad ni Bitoy sa post.
"Had I known how to perform CPR for birds, baka sinubukan ko eh. Lahat kami sa bahay, nag-iyakan," patuloy niya.
Mas lalo pa silang nalungkot nang sariwain nila ang panahon ng lockdown kung papaano sila pinasaya ni Pepper.
Ayon kay Michael V., natuto si Pepper na lumipad at lumapag sa kanila kapag tinawag nila. Nakikisabay din daw ang ibon sa tawanan, at marunong humalik.
"And for a tiny creature, I never thought he'd be able to express love and gratitude but surprisingly, he did!" sabi ni Michael V.
"Naramdaman naming lahat na mahal niya kami. And now that he's gone, I realize na wala talaga sa size, gender or even species ang pagmamahal. Basta nagmahal ka and they love you back, that's all that actually matters," dagdag niya.
Sa matagal na panahon, ngayon lang umano sila namatayan ng alaga.
"Hindi yung nawala or naligaw or ninakaw, kundi 'namatayan' ng alaga," saad niya.
Aminado si Michael V. na hindi niya masyadong pinapansin noon si Pepper nang dumating ito sa kanilang bahay.
"I realize ang sakit pala. I never expected losing a pet can be this heartbreaking," ani Bitoy. "We love you, Pepper and we're going to miss you. We all wish you could've stayed for a little longer. Goodbye forever. Now you are truly free."
— FRJ, GMA News