Kinagilawan online ang isang aso na tila tahimik na nakasakay sa isang jeep sa Mandaluyong City noong October 27, 2021.

Ayon sa fur parent na si Jorina Contapay, mahilig sumama ang 3-year-old golden retriever-aspin mix adopted dog na si Haru tuwing sila ay babiyahe.

 

Kasama daw si Haru maski sa pag-akyat ng kanyang fur parents sa bundok. Photo courtesy: Jorina Contapay

 

Adventurous daw si Haru at madalas din kasama ng pamilya ni Jorina sa pag-akyat ng bundok at beach trip. Nalimit nga lang daw ang paglabas ng fur baby na ito mula nang magsimula ang pandemya.

 

Enjoy din sa beach trip at boating si Haru. Photo courtesy: Jorina Contapay

 

Kaya naman nang lumabas si Jorina noong araw na iyon upang bumili ng dog food ay sabik na sumama si Haru.

"She finds it enjoyable kasi lalo na sa car, tricycle at minsan sa motor po. Madalas po kasi kaming mag-out-of-town at umuwi ng province [at] lagi siyang kasama sa biyahe kaya sanay na sanay na," kuwento ni Jorina.

Tahimik, masunurin at friendly daw si Haru sa kanilang biyahe, kaya kinagiliwan ito ng mga kapwa pasahero sa jeep. —Rolando Defeo Jr./KG, GMA News