Taon-taon sa loob na ngayong ng isang dekada, pinipintahan ng isang artist ang puntod ng kaniyang yumaong ama bilang pagtupad sa ginawa niyang panata.
Ayon kay Jae Valencia, taong 2008 nang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa atake sa puso.
Mahilig daw noon ang kaniyang ama sa paghahalaman, paninigarilyo, paglalaro ng basketball, kumanta, at tumugtog.
Ang mga hilig na ito ng kaniyang ama ang ginagawa niyang disenyo sa pagpipinta sa puntod na nagpapaalala sa kaniya ng kaniyang tatay.
"I never got the chance to show him where I am right now and how far I've become as an artist. But I hope wherever he is right now, he is proud of me," kuwento ni Jae.
Huli man daw at hindi na nakikita ng kaniyang ama ang kaniyang ginagawa, masaya pa rin siya na matupad ang kaniyang panata.
"Sa mga nakakita ng art ko, show your loved ones how much you love them kasi hindi po natin masasabi ang buhay ng tao. I hope they feel happy with the art that I make for my father kasi I made those with love," dagdag ni Jae.
Nakatutulong sa pamilya ni Jae lalo na ngayong may pandemiya ang mga commissioned artworks at murals na kaniyang ginagawa. -- FRJ, GMA News