Naiyak sa takot ang isang delivery rider nang ambaan siya ng saksak gamit ang gusting ng kaniyang kostumer na humingi refund dahil maling produkto raw ang kanilang natanggap. Ang lalaki, napag-alamang opisyal pala ng Department of Education sa Panabo City, Davao del Norte.
Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, makikita sa video na ipinapaliwanag ng rider sa lalaki at sa asawa nito ang patakaran sa return at refund policy ng online shopping app kung saan nila binili ang produkto.
Inirereklamo ng mag-asawa na maling produkto ang natanggap nila at sinasabing nabiktima sila ng panloloko o scam.
Kaagad na hinihingi ng lalaki sa delivery rider ang refund na aabot umano sa mahigit P300.
Maya-maya pa, tuluyang nang nagalit ang lalaki ang sinugod ang rider habang may hawak ng gunting. Pilit naman siyang inaawat ng kaniyang asawa.
Sa video, makikita na iniabot ng rider ang perang refund na hinihingi ng mag-asawa.
Pero sa panayam ng GMA Regional TV One Mindanao sa delivery rider, sinabi niya na kumalma rin kinalaunan ang lalaki at kinuha muli ang produkto.
Ibinalik din daw sa kaniya ang pera na kaniyang ibinigay.
Gayunman, aminado siyang matinding takot ang kaniyang naramdaman nang sandaling iyon.
Kinumpirma ng DepEd Panabo Division na bagong promote na public school district supervisor ang lalaking may hawak ng gunting.
Kinondena nila ang insidente at pinagpapaliwnag nila ang naturang opisyal, na posibleng maharap sa reklamong administratibo.
Inihahanda na rin ng delivery rider ang paghahain ng reklamo laban sa opisyal.
Hindi naman makontak ang cellphone number ang naturang opisyal para mahingan ng kaniyang panig, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News